MANILA — Isa ang Pilipinas sa tatlong bansa sa Timog-Silangang Asya na nangunguna sa paggamit ng nuclear power, batay sa ulat ng BMI, isang yunit ng Fitch Solutions Company. Kasama ng Vietnam at Malaysia, mayroon na itong mga programa para sa paggamit ng nuclear energy bilang tugon sa tumataas na pangangailangan ng kuryente sa rehiyon.
Nakasaad sa ulat na nakapagtakda na ang Pilipinas ng layuning makalikha ng hindi bababa sa 1,200 megawatts (MW) ng nuclear power pagsapit ng 2032. Ang bansa ay lumagda na rin sa lahat ng mahahalagang kasunduan hinggil sa kaligtasan, seguridad, at pananagutan sa paggamit ng nuclear energy.
Itinuturing ng BMI na ang Pilipinas ang nangunguna sa ASEAN nuclear race dahil sa maayos na regulasyon, konkretong polisiya, at matatag na institusyonal na kapasidad. Binigyang-diin din ng ulat ang bentahe ng bansa dahil sa pagkakaroon ng Bataan Nuclear Power Plant, ang tanging pasilidad ng ganitong uri sa buong Timog-Silangang Asya, bagaman hindi ito kailanman naging operational.
Ipinatupad na ng Department of Energy (DOE) ang isang komprehensibong balangkas para sa pagsasama ng nuclear energy sa national power generation mix, sa ilalim ng Department Circular No. 2005-10-0019. Sa ilalim nito, ang unang itatayong komersyal na nuclear power plant ay magiging baseload facility at bibigyan ng priority dispatch sa koordinasyon ng Independent Market Operator (IMO) at System Operator (SO).
Ang naturang proyekto ay awtomatikong ide-deklarang Energy Project of National Significance (EPNS), na magbibigay dito ng mga insentibo at mabilis na pagproseso ng mga permit alinsunod sa Executive Order No. 30.
Inatasan naman ang Energy Regulatory Commission (ERC) na makipag-ugnayan sa mga stakeholder upang ipatupad ang isang Regulatory Asset Base-type model o katulad na mekanismo para sa pagbawi ng kapital.
Sa kabuuan, itinuturing ang hakbang na ito bilang mahalagang bahagi ng estratehiya ng bansa upang mapalawak ang malinis at matatag na suplay ng enerhiya, kasabay ng pagtitiyak sa enerhiya at klima para sa pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya.(Mario Batuigas)




