MALOLOS, BULACAN — Ibinahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang resulta ng imbestigasyon kaugnay ng mga umano’y maanumalyang flood control projects sa lungsod sa pamamagitan ng Malolos City People’s Audit Team sa isang press conference na ginanap noong Oktubre 10, 2025 sa Bagong Pampamahalaang Bulawagan ng Lungsod.
Batay sa ulat, sinuri ng audit team ang 106 flood control projects na dapat ipinatupad sa 30 sa 51 barangay ng Malolos. Sa kabuuan, 27 proyekto ang natapos, 27 ang kasalukuyang isinasagawa, 13 ang natukoy na ghost projects, 8 ang substandard o may iregularidad, at 6 ang walang sapat na datos o hindi nabeberipika.
Nadiskubre rin na ang ilang proyekto ay may coordinates na nakaturo sa ibang lalawigan tulad ng Batangas at Pangasinan, sa halip na sa mismong Lungsod ng Malolos. Ang imbestigasyon ay isinagawa ng halos isang libong miyembro ng Malolos City People’s Audit Team na binubuo ng kapulisan, mga propesyonal, at karaniwang mamamayan na boluntaryong tumulong sa pagsisiyasat.
Matapos ang pagsisiyasat, isinumite nina City Administrator Joel S. Eugenio at City Legal Officer Atty. Darwin D. Clemente ang inisyal na dokumento na naglalaman ng mga natuklasang datos sa Independent Commission for Infrastructure (ICI). Ang ICI ang pangunahing ahensyang nagsisiyasat sa mga iregularidad sa mga proyektong may kinalaman sa flood control at iba pang imprastruktura sa bansa.
L ayunin ng hakbang na ito na mapanagot ang mga responsable at mapanatili ang transparency, integridad, at pananagutan sa pagpapatupad ng mga proyekto ng pamahalaan sa Lungsod ng Malolos.




