LUNGSOD NG MALOLOS – Umabot sa 276 magsasaka at mangingisda mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Bulacan ang nagtapos sa kanilang 14 hanggang 16 na linggong pagsasanay sa ginanap na Farmers’ Field School (FFS) and Fishfarmers’ Field School Mass Graduation Ceremony sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center kahapon.
Ang mga nagsipagtapos ay kabilang sa 11 batch ng programa, kabilang ang FFS on Polyculture of Shrimp and Tilapia in Brackishwater Pond Using Greenwater Technology sa Brgy. Anilao, Lungsod ng Malolos; FFS on Culture of Milkfish in Fish Pen and Tilapia Cage sa Brgy. Sta. Lucia, Calumpit; FFS on Polyculture of Tilapia and Ulang in Freshwater Pond sa Brgy. Gabihan, San Ildefonso; FFS on Vegetable Production sa Brgy. Malibay, San Miguel at Brgy. Poblacion, Pandi; FFS Scale-Up Palayamanan sa Brgy. Casalat, San Ildefonso; at FFS-Climate Resilient Farm Business School sa Brgy. Malamig, Bustos, Brgy. Bagong Silang, Plaridel, Brgy. Pulong Sampalok, Doña Remedios Trinidad, Brgy. Camias, San Miguel, at Brgy. Galas Maasim, San Rafael.
Tatanggap ang mga nagtapos ng inputs at starter kits kasama ang kanilang certificate of training bilang tulong sa pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga magsasaka na ipasa sa kanilang mga anak ang mga natutunan sa pagsasanay upang mapanatili ang sigla ng sektor ng agrikultura sa lalawigan.
“Nakikiusap ako sa inyo, ‘yung mga anak natin ay hikayatin natin na mag-farming. Go on agriculture. Lahat tayo mawawala. Sino papalit sa atin? Kaya mahalaga na maipasa natin ito sa ating mga anak,” ani Fernando.
Nagpahayag din ng suporta sa programa sina Bise Gob. Alexis C. Castro, Committee Chairman on Agriculture and Fisheries Bokal Renato DL. De Guzman, Jr., TESDA-Bulacan Acting Provincial Director Neil G. Santioque, ATI-RTC III OIC Center Director Elsa F. Victoria, BFAR III Regional Director Wilfredo M. Cruz na kinatawan ni Provincial Fisheries Officer for Bulacan Joseph Bitara, at DA Regional Office III Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr. na kinatawan ni Rice Focal Person Dr. Lowell D. Rebillaco.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, susubaybayan ng mga Agricultural Extension Worker ang aplikasyon ng mga natutunan ng mga magsasaka at mangingisda upang matukoy ang naging epekto nito sa kanilang kaalaman, produksyon, at kita.(Latigo Reportorial Team)




