PASIG CITY – Nagkaisa ang iba’t ibang Non-Government Organizations (NGO), Civil Society Organizations (CSO) at Local Government Units (LGU) sa layuning wakasan ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng 9th General Assembly ng ZERO POVERTY PH 2030 Coalition na ginanap noong Oktubre 17, 2025 sa J.Y. Hall A & B, UNILAB Bayanihan Center, Pasig City.
Sa temang “Pitching for Impact: Catalyzing Poverty Reduction through Partnerships,” tampok sa pagtitipon ang kahalagahan ng pagtutulungan at kolaborasyon upang mapabilis ang pagbabawas ng kahirapan sa mga komunidad.
Binigyang-diin ni Br. Armin A. Luistro FSC, Co-Chair ng ZeP2030, sa kanyang welcome message na ang pagkakaisa ng mga sektor—mula sa pamahalaan, pribadong sektor, at mga organisasyong panlipunan—ay mahalagang susi upang makamit ang layuning Zero Poverty sa Pilipinas pagsapit ng 2030.
Sa panel discussion, ibinahagi nina Governor Trina Firmalo-Fabic ng Romblon, Mayor Sitti Hataman ng Isabela City, Basilan, at Kenneth Abante, Pangulo ng WeSolve Foundation, ang kanilang mga matagumpay na inisyatiba laban sa kahirapan. Naiangat sa diskusiyon na ito ang kahalagahan ng tamang pamamahala, tamang paggamit ng pera ng mamamayan, pagtindig sa tama at kritisimo ang magbibigay ng wakas sa kahirapan.
WALANG KORAP, WALANG MAHIRAP!
Ipinresenta rin sa pagpupulong ang ZeP2030 Accomplishment Report, na naglatag ng mga tagumpay at progreso ng koalisyon sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Naging matagumpay ang Zero Extreme Poverty PH 2030 Coalition dahil sa matibay na pagtutulungan ng Philippine Business for Social Progress (PBSP) at Association of Foundations (AF) bilang ZEP2030 Co-Secretariat, at iba pang Lead Convenors at Local Convenors mula sa iba’t ibang panig ng bansa na patuloy na nagsusulong ng mga inisyatiba para sa pagbabago at pag-unlad ng mga komunidad.
Sa kaniyang pangwakas na mensahe, nanawagan si Senen C. Bacani, Co-Chair ng ZeP2030, na ipagpatuloy ang sama-samang pagkilos at pagpapalakas ng mga programa upang matamo ang isang bansang walang iniwang Pilipino sa pag-unlad.
Tampok din sa programa ang Pitch Fest, kung saan pitong Local Convergences ang nagbahagi ng kanilang mga proyekto at inisyatibang tumutugon sa pangangailangan ng kani-kanilang komunidad—patunay na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa pagkakaisa.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan ng mga kasaping organisasyon, ipinakita ng Zero Poverty PH 2030 Coalition na posible ang isang Pilipinas na walang kahirapan, kung saan ang bawat Pilipino ay may pagkakataong umasenso at mamuhay nang may dignidad. (DJ Gealone)

Dumalo ang Latigo Handang Maglingkod Foundation at St. Rose of Lima Academy of Bulacan, Inc sa naganap na ZeP2030 General Assembly kamakailan bilang kinatawan ng Bulacan Convergence. Ang Latigo Handang Maglingkod Foundation Inc ay Corporate Social Responsibility Arm ng Latigo Weekly Newspaper at Latigo News TV. (Adette Equiza)




