LUNGSOD NG MALOLOS – Buong suporta ang tiniyak ni Mayor Atty. Christian D. Natividad sa pagtatatag ng kauna-unahang Senior Citizens’ Community Care Center (SC3C) sa Malolos City, na inaasahang magiging huwaran ng pagkalinga at serbisyo para sa mga nakatatanda.
Sa Stakeholders’ Collaborative Meeting na ginanap noong Setyembre 19, 2025 sa New Malolos City Hall, sinabi ng alkalde na sisiguraduhin ng pamahalaang lungsod na ang opisina para sa mga senior citizen ay magiging isa sa pinakamaganda at pinakaangkop sa buong Rehiyon 3. Bahagi ng pangako ng lokal na pamahalaan ang paglalaan ng modernong pasilidad at sasakyan upang mas mapadali ang pakikilahok ng mga nakatatanda sa mga programa at serbisyong nakalaan para sa kanila.
Katuwang ng lokal na pamahalaan ang National Commission of Senior Citizens (NCSC), iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at civil society organizations sa pagsasakatuparan ng proyekto. Bilang patunay ng pagtutulungan, isinagawa ang Commitment Signing Ceremony kung saan nilagdaan ng lahat ng stakeholders ang kanilang panata na suportahan ang pagtatatag at operasyon ng SC3C.
Ayon kay Mayor Natividad, ang pagtatayo ng sentrong ito ay hindi lamang simpleng proyekto kundi simbolo ng pagpapahalaga sa mga nakatatanda na patuloy na nagiging bahagi ng pag-unlad ng lungsod. Dagdag pa niya, layunin ng Malolos na maging modelo ng iba pang lokal na pamahalaan sa bansa sa pagbibigay ng maayos at makataong serbisyo para sa sektor ng senior citizen. (Latigo Reportorial Team)




