LUNGSOD NG MALOLOS – Pinarangalan ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan bilang isa sa mga katuwang sa pagsusulong ng pangisdaan sa bansa.
Iginawad ang parangal sa isinagawang Gawad Parangal sa mga Kabalikat sa Pangisdaan noong Setyembre 19 sa Luxent Hotel, Quezon City, kasabay ng pagtatapos ng ika-62 Fish Conservation Week.
Tinanggap ni Provincial Agriculture Office (PAO) head Ma. Gloria SF. Carrillo ang karangalan sa ngalan ni Gobernador Daniel R. Fernando. Ayon kay Fernando, ang pagkilalang ito ay patunay ng malasakit at dedikasyon hindi lamang ng pamahalaan kundi higit lalo ng mga Bulakenyong mangingisda.
“Sa pamamagitan ng parangal na ito, lalo nating palalakasin ang ating mga programa para sa ikabubuti ng ating pangisdaan, dahil naniniwala tayo na ang pag-unlad ng ating lalawigan ay nakasalalay sa maayos na paggamit ng ating likas na yaman,” ani Fernando.
Samantala, sa mensaheng binasa ni Administrative Division Chief Mildred Buazon, binigyang-diin ni BFAR National Director Elizer S. Salilig ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga mangingisda, lokal na pamahalaan, akademya, at iba pang sektor upang maisulong ang mas matatag at napapanatiling pangisdaan.
“Sa ating mga lokal na pamahalaan, maraming salamat sa inyong pamumuno, patnubay, at inobasyon. Kayo ay naging mahalaga sa pagpapatupad ng mga batas, pagbabalangkas ng tamang polisiya, at paghahanap ng mga solusyon para mapatatag ang ating pangisdaan,” ani Salilig.
Ang Gawad Parangal sa mga Kabalikat sa Pangisdaan ay taunang pagkilala ng BFAR sa mga institusyon at pamahalaang lokal na nagpakita ng natatanging suporta at pakikipagtulungan sa mga programang pangkonserbasyon at pangkaunlaran ng pangisdaan sa bansa.(Latigo Reportorial Team)




