MANILA – Muling ibinalik sa Senado si dating Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan 1st District Engineer Brice Hernandez, isang linggo matapos siyang ma-cite in contempt at ipakulong sa Senate building.
Bago ito, dininig muna ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 ang inihain na Writ of Amparo ng kampo ni Hernandez. Nagsumite rin ang kanyang mga abogado ng liham kay Senate President Vicente Sotto III upang muling tanggapin si Hernandez sa Senate detention facility.
Sa pagdinig ng House Infrastructure Committee noong nakaraang Martes, hiniling ni Hernandez na huwag na siyang ibalik sa Senado dahil sa mga pagbubunyag na gagawin niya. Sa naturang pagdinig, idinawit niya sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Joel Villanueva sa umano’y anomalya sa flood-control projects ng DPWH.
Dahil dito, sa pamamagitan ng pakiusap ni House Speaker Martin Romualdez, pumayag si Sotto na pansamantalang sa PNP Custodial Center sa Camp Crame ikulong si Hernandez. Gayunman, makalipas lamang ang isang araw, inilipat siya sa Pasay City Jail matapos kuwestiyunin ng minorya ang naging hakbang ng Senado. (Andy Espeña)




