MANILA – Hinamon ni Bagong Henerasyon (BH) Party-list Rep. Robert Nazal ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya ng gobyerno na ipaliwanag kung saan napunta ang P1.3 trilyong ginastos para sa flood control projects simula pa noong 2021.
Ayon kay Nazal, hindi katanggap-tanggap na bilyon-bilyong pondo ang nailabas ngunit patuloy pa ring lumulubog sa baha ang maraming komunidad. Giit niya, dapat sagutin ng mga ahensya kung bakit pumalpak ang mga proyekto at bakit taon-taon na lang inuulit ang mga kapalpakan.
Nanawagan din ang mambabatas ng isang malinaw na masterplan upang matigil ang utay-utay at hiwa-hiwalay na implementasyon ng flood control projects, na aniya’y nagiging “band-aid solution” lamang at bigong makapagbigay ng pangmatagalang proteksyon sa mamamayan.
Samantala, binigyang-diin ni dating BH Rep. Bernadette Herrera na ang laki ng pondong inilaan ay nagpapakita ng posibilidad ng korapsyon, maling paggastos, at kakulangan sa maayos na plano.“Tuwing malakas ang ulan, kanselado ang klase, lumulubog sa putik ang mga estudyante, nalulunod ang mga komunidad, at may mga namamatay dahil sa leptospirosis,” ani Herrera.
Dagdag pa niya, obligasyon ng Kongreso na papanagutin ang lahat ng opisyal na may kinalaman sa kapabayaan at maling paggamit ng pondo. (Nik Bendana)




