THAILAND TRIP NG MANILA SK FED, ANO YAN?

Nagbunsod ng matinding reaksiyon ang ulat hinggil sa biyahe ng halos 700 opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Maynila patungong Bangkok. Sa halagang halos ₱40,000 bawat isa, kabilang ang pamasahe, tirahan, pagkain, at allowance, umabot sa daan-daang milyong piso ang inilabas para sa isang tatlong araw na “capacity development and international benchmarking.” Hindi kataka-taka kung bakit ito agad binansagan ng publiko bilang isang “junket.”

May lugar ang pagsasanay at pagpapalawak ng kaalaman para sa kabataan, lalo na kung layunin nitong paigtingin ang kanilang kakayahan sa HIV response o community interventions, tulad ng ipinagtatanggol ng SK Federation. Ngunit hindi sapat ang magandang layunin kung ang pamamaraan at paggastos ay hindi malinaw na nakabatay sa pangangailangan at resulta. Bakit kailangang lumipad pa sa Thailand kung walang katapat na youth-led political body doon? Bakit hindi sa loob ng bansa kung saan mas malapit sa realidad ng mga pamayanang pinaglilingkuran nila?

Ang paggamit ng pondo ng bayan ay may kaakibat na pananagutan. Kung ang biyahe ay talagang pinondohan mula sa kaban ng Maynila, obligasyon ng mga lider na ipakita ang malinaw na batayan ng gastusin: ang mga layunin, output, at benepisyo sa komunidad. Hindi sapat ang apruba ng travel authority kung ang programa mismo ay hindi dumaan sa masusing pagsusuri ng pagiging praktikal at cost-effective.

Mahalaga ring tandaan na ang Sangguniang Kabataan ay bunga ng panawagan para sa mas malinaw na representasyon ng kabataan sa pamamahala. Kung ang kanilang mga aktibidad ay nagiging kahalintulad ng mga “junket” na madalas ipuna sa matatanda, nawawala ang kanilang kredibilidad bilang tagapagtaguyod ng integridad at malasakit sa pondo ng bayan.

Tama ang hakbang ng DILG na magsagawa ng imbestigasyon. Dapat itong maging patas at malinaw, at kung may lumabas na kapabayaan o maling paggamit ng pondo, dapat managot ang mga responsable. Higit pa rito, kailangan ng mas mahigpit na pamantayan para sa mga pag-aaral at exposure trips ng SK, upang matiyak na ang bawat pisong inilalabas ay may katapat na benepisyong bumabalik sa komunidad.

Ang kabataan ang pag-asa ng bayan, ngunit ang pag-asang ito ay dapat sabayan ng disiplina at pananagutan. Ang bawat programa ng SK ay dapat magsilbing halimbawa ng mahusay, matipid, at makabuluhang pamamahala. Sa huli, hindi lang ito usapin ng biyahe sa Bangkok—ito ay usapin ng tiwala ng taumbayan at kung paano ito pinapangalagaan ng mga piniling maglingkod. (MJ Espeña)

Spread the love

TAPAT SA GITNA NG MGA TUSONG HAYOP

NAZAL HINAMON ANG DPWH: IPALIWANAG ANG P1.3 TRILYONG GINASTOS SA FLOOD CONTROL

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"