Ang pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay dating Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr. bilang pinuno ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay tila malinaw na pahayag: panahon nang silipin ang mga maanomalyang flood control projects na sumasakal sa kaban ng bayan. Sa loob ng sampung taon, bilyon-bilyong piso ang nailaan sa mga proyektong dapat sana’y magligtas sa atin mula sa baha—ngunit bakit hanggang ngayon, lublob pa rin ang maraming lugar tuwing malakas ang ulan?
Hindi maitatanggi: ang komisyon ay may mabigat na papel. Kaagapay nina Reyes sina dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson, eksperto sa auditing na si Rossana Fajardo, at Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser. Sa papel, tila kombinasyon ito ng karanasan, integridad, at teknikal na kaalaman. Ngunit hindi lamang pangalan ang panukat ng tagumpay. Ang mas mahalaga: may baon bang tapang at determinasyon ang ICI para tuluyang maipako sa pananagutan ang mga tiwaling nagwaldas ng pondo para sa flood control?
Isang malaking hakbang ang pagsisiyasat, ngunit isa ring bitag kung ito’y magiging dulo na lamang ng lahat—isang makapal na ulat na mababasa ng publiko ngunit walang kasunod na aksyon. Kailangang siguruhin na ang mga rekomendasyon ng ICI ay may malinaw na landas tungo sa hustisya: kasong kriminal, administratibo, at pagsasaayos ng mga sistema sa procurement at implementasyon ng mga proyekto.
Huwag sanang makuntento ang pamahalaan sa pagbubuo ng komisyon. Kasinghalaga ng imbestigasyon ang pagbabago ng mga patakaran at kultura sa mga ahensiya. Ano ang saysay ng mga ulat kung mananatiling maluwag ang bidding, kung paulit-ulit lang na nasasangkot ang parehong kontratista, o kung mabilis namang nalulusaw ang kaso kapag may kilalang padrino?
Kung tutuusin, hindi lang ito usapin ng flood control projects. Ito ay salamin ng mas malalim na suliranin: ang kawalan ng tunay na pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan. Ang banta ng baha ay malinaw, ngunit mas mapanganib ang baha ng katiwalian na unti-unting lumulunod sa tiwala ng taumbayan.
Kaya’t habang sinisimulan ng ICI ang kanilang tungkulin, nararapat ding maging mapanuri ang publiko. Ang mga proyekto laban sa baha ay hindi dapat maging kanal ng korapsyon. Kung seryoso ang gobyerno, kailangang siguraduhin na ang bawat rekomendasyon ng komisyon ay maisasalin sa kongkretong aksyon—kasuhan ang dapat kasuhan, ayusin ang dapat ayusin, at huwag hayaang manatiling papel lamang ang laban sa anomalya. (Grace Batuigas)




