MALOLOS, BULACAN — Isang makasaysayang araw para sa kalusugan ng mga Maloleño ang naganap noong Setyembre 16, 2025 matapos pormal na buksan ang pasilidad na magbibigay ng libreng Hemodialysis Treatment para sa mga nangangailangan.
Ang bagong treatment center, na pinamamahalaan ng Premier101 Healthcare Management, ay kinilala bilang kauna-unahan sa Lungsod ng Malolos at isa sa pinakamalalaking hemodialysis facility sa buong Bulacan. Mayroon itong 36 treatment stations na kayang tumanggap ng humigit-kumulang 100 pasyente kada araw at hanggang 2,800 treatment bawat buwan. Ayon kay Philip Lim, CEO ng Premier101, 24 ang kawani ng pasilidad at halos kalahati ay mga Maloleño, patunay na ito’y nagbibigay rin ng oportunidad sa lokal na hanapbuhay.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Mayor Christian D. Natividad na ang pasilidad ay handog ng Pamahalaang Lungsod para sa lahat ng nangangailangan, hindi lamang sa mga residente ng Malolos. Tiniyak niya na walang hidden charges, libre ang gamutan at gamot, at pagkakalooban pa ang bawat pasyente ng isang kabang bigas (25 kilo) bawat buwan hanggang sa matapos ang kanilang gamutan.
Lubos ding pinuri ang Sangguniang Panglungsod sa pangunguna ng mga konsehal na sina JV Vitug, Geli Bulaong, Troi Aldaba III, Poncho Arcega, Miel Agustin, Len Pineda, at ABC President Belty Bartolome dahil sa kanilang suporta upang maisakatuparan ang proyektong ito.
Dumalo rin sa inagurasyon sina City Administrator Joel Eugenio, PhilHealth Regional Director Arlan Granali, at Rev. Msgr. Pablo S. Legaspi Jr., na nagpahayag ng pagbati at suporta sa programang magliligtas ng maraming buhay.
Ang pagbubukas ng libreng hemodialysis center ay malinaw na patunay ng malasakit ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Natividad at ng Sangguniang Panglungsod para sa kalusugan at kapakanan ng kanilang mga nasasakupan. (Latigo Reportorial Team)




