BATANGAS – Lalo pang umiigting ang panawagan ng mga residente at civic groups na papanagutin ang mga nasa likod ng talamak na pasugalan at “paihi” sa lalawigan, matapos lumabas ang mga ulat na tila nananatiling tahimik ang tanggapan ni PCOL SIBALO, Provincial Director ng Batangas PNP, hinggil sa usapin.
Matapos ang mga naunang pagbubunyag sa operasyon ng saklaan, bookies, pergalan at e-sabong sa Cuenca, Alitagtag, San Luis, Lian at maging sa paligid ng ilang municipal hall, pinagtitibay ng publiko ang kanilang desisyon na iharap ang kanilang reklamo sa mas mataas na antas ng kapulisan kung hindi kikilos ang lokal na pamunuan.
Sa kanilang mga pahayag, nananawagan ang mga grupo na linawin ni PCOL SIBALO kung ano ang kongkreto niyang plano laban sa mga umano’y sangkot sa pasugalan tulad nina Larry “Bokbok,” Jayson “Tomboy,” Donya Yolly at ang tinaguriang “Big 4” ng saklaan at bookies. Maging ang patuloy na operasyon ng e-sabong na iniuugnay kina Aries Alvarez at alyas John Capinpin ay nananatiling sentro ng kanilang reklamo.
Mariing binigyang-diin ng ilang residente na hindi sapat ang pananahimik o pangakong “iniimbestigahan” kung walang nakikitang aktwal na aksiyon mula sa kampo ni PCOL SIBALO. Giit nila, kailangang maglatag ng malinaw na operasyon at resulta laban sa mga iligal na gawain upang maibalik ang tiwala ng komunidad sa pamunuan ng pulisya. Tila daw ang PD na ito ay NO PRESSURE sa kanilang mga panawagan.
Samantala, nakatakdang magsagawa ang mga civic groups ng serye ng community consultations at paghahanda ng dokumentasyon bilang suporta sa ihahaing reklamo sa National Police Commission at sa tanggapan ng PNP Chief. Ayon sa kanila, hindi na sapat ang pawang pag-uusap lamang sa barangay o bayan; panahon na para ipanagot sa batas ang mga responsable at usigin ang tila pagkukulang ni PCOL SIBALO sa pagpapatupad ng kanyang tungkulin.
Nanawagan din ang mga lider ng komunidad na manatiling mapagmatyag ang publiko at huwag hayaang manaig ang takot sa harap ng mga nag-oorganisa ng iligal na aktibidad. Anila, dapat ipakita ng mga opisyal, lalo na ni PCOL SIBALO, na hindi maaaring mabalewala ang batas sa Batangas.. (Latigo Reportorial Team)




