MANILA — Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga lokal na opisyal na masiguro ang tamang pagpapatupad ng mga proyekto, partikular na ang may kaugnayan sa flood control, sa gitna ng mga isyung kinahaharap ng mga ito.
Sa kaniyang talumpati sa panunumpa ng bagong hanay ng mga opisyal ng League of Provinces of the Philippines (LPP) sa Malacañang, binigyang-diin ng Pangulo na dapat isiwalat at ibunyag ang anumang iregularidad sa mga proyekto upang matiyak na hindi napupunta sa pansariling interes ng mga lokal na pinuno ang pondong nakalaan.
“Hinihikayat ko kayo, paglingkuran natin nang buong katapatan ang sambayanan. Tiyakin natin na nasa wasto ang mga proyekto na ipinapatupad ng pambansang pamahalaan at ng lalawigan,” ani Marcos.
Dagdag pa niya, “Isiwalat natin kung may makikitang taliwas dahil ang pera ng sambayanan ay pera ng bayan at hindi pansariling interes.”
Giit ng Pangulo, kailangan ng bansa ng mga lider na tatapos sa maling nakasanayan sa pamamahala at magsisilbing gabay, boses, at konsensiya sa pagpapatupad ng mga proyekto.
“Nagsisimula pa lang ang laban at mahaba pa ang ating tatahakin. Umaasa ako na kasama namin kayo sa bawat hakbang, sa pagsusuri sa mga proyekto, sa pagsasaliwanag sa mga nagkukubli sa kadiliman,” wika pa ng Pangulo.
Pinangunahan ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. ang panunumpa bilang muling nahalal na pambansang pangulo ng LPP, samantalang nanatili namang tagapangulo si Quirino Governor Dakila Carlo “Dax” Cua.
Kabilang din sa mga bagong halal na opisyal na magsisilbi hanggang Hulyo 31, 2028 sina Gov. Rodolfo Albano III (Luzon North), Gov. Luis Raymund Villafuerte Jr. (Luzon South), Gov. Arthur Defensor Jr. (Visayas), at Gov. Nilo Demerey Jr. (Mindanao), na magsisilbi ring Secretary-General.
Isa sa pangunahing adbokasiya ng LPP sa kanilang bagong termino ang pagsusulong ng mga reporma sa Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991 sa 20th Congress.(Mario Batuigas)




