MALOLOS, Bulacan — Patuloy na kinikilala ang mga hakbang ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos tungo sa pangangalaga ng kalikasan matapos itong pararangalan sa ginanap na 2025 Environmental Summit na may temang “Ending Global Plastic Pollution” noong Agosto 29, 2025 sa Widus Hotel, Clark, Pampanga.
Iginawad ng Environmental Management Bureau (EMB) ang pagkilala sa Malolos para sa matagumpay nitong programa sa Dumpsite Closure and Rehabilitation, isang malaking hakbang upang masiguro ang malinis, ligtas, at maayos na kapaligiran para sa mga residente.
Personal na tinanggap ni Punong Lungsod Atty. Christian D. Natividad at ni CENRO-Head Amiel Cruz ang parangal, bilang patunay sa dedikasyon ng lokal na pamahalaan na isulong ang mga makakalikasang programa at suportahan ang pambansang kampanya laban sa polusyon.
Ayon kay Natividad, mananatiling prayoridad ng Malolos ang pagpapatupad ng mga makabago at responsableng proyekto para sa kalinisan at kaligtasan ng mamamayan. “Patuloy nating gagawin ang lahat upang gawing smart, green, and livable ang ating lungsod,” aniya.
Ang pagkilalang ito ay nagpapakita na ang LGU Malolos ay nangunguna sa pagpapatibay ng mga patakarang pangkalikasan at sa pagsuporta sa pandaigdigang adhikain na tuldukan ang polusyon mula sa plastik.(Latigo Reportorial Team)




