BULAKAN, BULACAN – Sa paggunita ng ika-175 taong kaarawan ni Gat Marcelo H. Del Pilar, nanawagan si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa P. Lazaro sa mga Pilipino, lalo na sa kabataan, na huwag matakot gamitin ang kanilang boses at talino upang ipaglaban ang tama at kapakanan ng nakararami.
“Gaya ni Plaridel, huwag po tayo matakot gamitin ang ating boses at kakayahang talino upang ipaglaban ang tama at kapakanan ng nakararami,” ani Lazaro sa programang ginanap sa Dambanang Marcelo H. Del Pilar sa San Nicolas, Bulakan, Bulacan, na may temang “Inspirasyon ng Kabataan sa Matatag na Kinabukasan.”
Dumalo rin sa pagdiriwang sina Gobernador Daniel R. Fernando, Mayor Vergel C. Meneses ng Bulakan, mga kaanak ni Del Pilar, miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at Sangguniang Bayan ng Bulakan, gayundin ang Bulacan Press Club. Sama-sama nilang inialay ang bulaklak sa bantayog ng pambansang bayani.
Binigyang-diin ni Gobernador Fernando na mahalaga ang papel ng kabataan sa pagpapatuloy ng pamana ni Del Pilar, hindi na sa pamamagitan ng rebolusyon at panulat, kundi sa pagsusulong ng kaunlaran, katotohanan, at mabuting pamamahala.
“Hindi ito ang dapat manahin ng mga kabataan sa atin—ang kultura ng katiwalian, ang pagpapabaya, at ang paglilinlang. Ang dapat matimo sa kanilang isipan ay kung paano tayo kumilos, tumindig, at magsama-sama upang labanan ang katiwalian at igiit ang katotohanan,” ani Fernando.
Nanawagan din siya sa mga Bulakenyo na maging tapat sa paglilingkod at gawing huwaran si Del Pilar upang makilala ang lalawigan sa katapatan, malasakit, at tunay na serbisyo publiko.
Si Marcelo H. Del Pilar, na isinilang noong Agosto 30, 1850 sa Bulakan, Bulacan, ay kinikilalang abogado, peryodista, at repormista. Bilang patnugot ng La Solidaridad sa Espanya, gamit ang sagisag-panulat na “Plaridel,” matapang niyang isinulong ang mga reporma laban sa katiwalian at inilatag ang landas tungo sa kalayaan ng bansa. (Latigo Reportorial Team)




