Kinumpirma ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagtatalaga kay Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. bilang Acting Chief ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng Resolution No. 2025-0552.
Ang naturang desisyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipinatupad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng General Orders Number NHQ-GO-DES-2025-4316 na may petsang Agosto 26, 2025.
Sa bisa ng resolusyon na pinagtibay noong Agosto 27, 2025, kinilala ng NAPOLCOM ang buong kapangyarihan ni PLTGEN Nartatez upang gampanan ang lahat ng tungkulin, karapatan, at responsibilidad bilang Acting Chief ng PNP, alinsunod sa Republic Act No. 6975 na naamyendahan.
Kasabay nito, sa En Banc session ng NAPOLCOM noong Setyembre 1, 2025, pinagtibay din ang mga bagong appointment at reassignment ng ilang senior police officials sa mga mahahalagang posisyon sa organisasyon.
Kabilang sa mga kinumpirma ay sina PLTGEN Bernard M. Banac bilang Acting Deputy Chief for Administration; PMGEN Robert Alexander A. Morico II bilang Acting Director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG); PMGEN Anthony A. Aberin bilang Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO); PBGEN Christopher N. Abrahano bilang Officer-in-Charge Commander ng APC Visayas; PBGEN Paul Kenneth T. Lucas bilang Regional Director ng Police Regional Office 4A (CALABARZON); at PBGEN Jack L. Wanky bilang Deputy Regional Director for Administration ng NCRPO.
Kasama rin sa mga itinalaga sina PBGEN Romeo J. Macapaz at PBGEN William M. Segun sa Personnel Holding and Accounting Unit; PBGEN Arnold P. Ardiente bilang Regional Director ng Police Regional Office 12 (SOCCSKSARGEN); PCOL Hansel M. Marantan bilang Acting Director ng Highway Patrol Group (HPG); PCOL Jonathan Abella bilang Acting Director ng EOD K9 Group; at PCOL Arnold A. Rosero bilang Deputy Director for Administration ng EOD K9 Group.
Sa pagkumpirma ng mga bagong opisyal, tiniyak ng PNP ang pagpapatuloy ng matatag na pamumuno at ang pagpapatibay ng serbisyo para sa kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko.(Latigo Reportorial Team)




