MALOLOS — “Known only as the gateway to the north, but soon Bulacan will be a gateway to the world. We are working hard to introduce Bulacan not just as a stopover, but as a top pick and must-see travel destination,” pahayag ni Governor Daniel R. Fernando sa pagbubukas ng Singkaban Festival 2025 ngayong Setyembre 8 sa Bulacan Capitol Gymnasium.
“Ang Bulacan ay hindi na dadaanan lamang, kundi lalawigang bibisitahin, mamahalin, at babalik-balikan,” dagdag pa ng gobernador habang ipinangako ang mas pinaigting na pagpapaunlad sa turismo ng lalawigan sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Ipinunto rin ni Fernando ang pagkilala sa Bulacan bilang ika-3 Pinakaligtas na Lugar sa Pilipinas para sa 2025 ayon sa World Travel Index, na aniya’y patunay sa pangako ng kanyang administrasyon na gawing pangunahing destinasyon ang probinsiya.
Kasabay nito, nanawagan siya sa mga lokal na opisyal ng Bulacan na lalo pang paunlarin ang kanilang serbisyo sa gitna ng mga isyu ukol sa umano’y iregularidad sa ilang proyekto sa flood control.
“Nananawagan ako sa lahat ng mga nanunungkulan sa ating lalawigan. Sama-sama po tayo, pagbutihin po natin ang ating panunungkulan. Sa gitna ng mga isyung ito, ipinapangako kong hindi ko hahayaang tuluyang lumubog ang hustisya para sa ating lalawigan,” wika ng gobernador.
Samantala, pinuri ni Department of Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, sa pamamagitan ni Undersecretary Ferdinand C. Jumapao, ang pagkakaisa ng mga Bulakenyo sa pagtataguyod ng turismo sa taunang pagdiriwang.
“Ang tunay na tagumpay ng turismo ay nakasalalay sa pagtutulungan ng lahat. At dito, nakita natin sa probinsiya ng Bulacan, na lahat ng mga Bulakenyo ay nagtutulungan para umangat ang turismo,” pahayag ni Jumapao.
“Ang Singkaban Festival ay patunay na kahit ano ang gawin, sa pagkakaisa, together we can preserve our traditions while creating new opportunities for growth,” dagdag niya.
Dumalo rin ang undersecretary sa ribbon cutting ng Tatak Singkaban Trade Fair 2025 ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office sa harap ng Regional Trial Court Building.
Matapos ang programa, umikot naman sa mga lansangan ng Malolos ang 48 makukulay na float mula sa iba’t ibang LGU, ahensya, at pribadong sektor, tampok ang mayamang kultura at tradisyon ng bawat bayan at lungsod ng Bulacan. (Latigo Reportorial Team)




