MANILA — Pinangungunahan ni PNP chief PGEN. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mahigpit na paghahanda ng pambansang pulisya para tiyakin ang kaayusan at seguridad sa harap ng inaasahang mga kilos-protesta sa Metro Manila.
Inilatag ng PNP ang komprehensibong plano para sa crowd management at dispersal, kasabay ng tuloy-tuloy na pagbabantay sa sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. Nakaposisyon na ang mga yunit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga pangunahing lugar, kabilang ang EDSA Shrine sa Quezon City.
Nakapuwesto roon ang 60 pulis mula sa civil disturbance management team bilang panangga laban sa posibleng kaguluhan. Nagdagdag pa ng tig-50 tauhan ang Eastern Police District at Quezon City Police District bilang suporta sa operasyon.
Mahigpit ding inihahanda ng PNP ang mga hakbang para maiwasan ang vandalismo, trapikong dulot ng mga pagtitipon, at anumang banta sa kaligtasan ng publiko. Nakapokus ang buong puwersa sa pagpapanatili ng kapayapaan habang iginagalang ang karapatan ng mga nagpoprotesta.
Samantala, tinatayang 200 katao mula sa Tindig Pilipinas, Akbayan, at Clergy for Good Governance ang nagtipon sa EDSA Shrine nitong Huwebes upang igiit ang imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyekto ng flood control. Nagsimula ang pagtitipon bandang umaga at natapos bago magtanghali matapos maayos na ma-disperse ang grupo.
Tiniyak ng pamunuan ni Gen. Nartatez na mananatiling naka-full alert ang PNP upang mapanatili ang seguridad ng publiko at maayos na daloy ng trapiko sa gitna ng mga protesta sa buong rehiyon.(Latigo Reporter)




