CALABARZON — Nagpapakilalang bagman ni NBI Regional Director Atty. Rene Garbo si alyas “Mike” at diumano’y nambabraso sa mga iligal na operator ng sugalan sa rehiyon.
Umani ng batikos mula sa ilang civic group ang umano’y pangongolekta ni alyas Mike para sa isang mataas na opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) sa rehiyon.
Sa mga sumbong na natanggap, idinadawit si NBI-4A Regional Director Atty. Rene Garbo na umano’y nakikinabang sa libo-libong pisong payola mula sa mga nagkalat na pasugalan at operasyon ng paihi. Kapalit umano ng lingguhang proteksiyon, sinasabing kinokolekta ang naturang halaga na ngayon ay idinadaing ng mga operator na hirap na sa patong-patong na bayarin.
Mariing nananawagan ang mga civic group ng agarang imbestigasyon hinggil sa usaping ito upang malinawan kung may katotohanan ang mga paratang laban sa opisyal ng NBI.
Dagdag pa rito, iginiit ng mga kritiko na tila walang harimunan ang panggagambala ni alyas Mike at marapat lamang na ito ay hulihin at papanagutin. Anila, hindi dapat hayaan na si alyas Mike ay patuloy na yumurak sa napakagandang pangalan ni Director Garbo. Gayon pa man, nararapat din na malinis ni Director Garbo ang kaniyang pangalan, sapagkat kung mananatili ang kaniyang pananahimik at kawalan ng aksiyon, maaaring magduda ang taumbayan na baka nga may koneksiyon siya sa mga ipinaparatang na katiwalian.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula kay Director Garbo, ngunit sinisikap naming makuha ang kaniyang panig hinggil sa isyung ito. (Latigo Reportorial Team)




