Mariing itinanggi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kumakalat na maling impormasyon tungkol sa umano’y kanselasyon ng klase sa Lunes, Agosto 11, dahil sa Tropical Cyclone Gorio.
Ayon sa pahayag ng DILG nitong Linggo, walang inilabas na anunsiyo ang ahensya o si Secretary Jonvic Remulla kaugnay sa nasabing suspensyon.
“Class suspension advisories from the DILG are issued ONLY through our verified official channels” giit ng kagawaran. Dagdag pa nito, maaaring magmula ang ganitong advisories mula sa mga lokal na pamahalaan, Department of Education (DepEd), o iba pang may karampatang awtoridad.
Nanawagan din ang DILG sa publiko na maging mapanuri at iwasan ang pagpapakalat ng pekeng balita, lalo na yaong ginagamit ang pangalan at opisyal na selyo ng ahensya.
Nagbabala rin ang kagawaran na may kaukulang aksyong legal laban sa sinumang mahuling gumagamit nang walang pahintulot ng pangalan at simbolo ng DILG at ng kalihim para magpakalat ng maling impormasyon.
Para sa tamang balita, pinaalalahanan ng DILG ang publiko na sumangguni lamang sa opisyal na Facebook page ng kagawaran at iba pang beripikadong government platforms.. (MJ Espena)




