Nagbigay ng matinding babala si Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas Torre III sa mga content creator na gumagawa ng mga pekeng krimen o insidente para lamang sa social media content, dahil maaari silang masampahan ng kaukulang kaso. Ayon kay Torre, kung gagawa man ng fiction content, dapat malinaw sa mga manonood na ito ay kathang-isip at para lamang sa libangan, upang hindi magdulot ng maling impresyon na may kaguluhan o kawalan ng kaayusan sa isang lugar.
Sa isang press briefing nitong Lunes, Agosto 11, iginiit ni Torre na ang pagpapakita ng hindi totoong kaguluhan ay hindi lamang nakasisira sa imahe ng kapulisan kundi pati na rin sa reputasyon ng buong komunidad. Lalo na aniya kung ang lugar ay may turismo bilang pangunahing kabuhayan, maaaring magkaroon ito ng negatibong epekto sa ekonomiya at kabuhayan ng mga residente.
Dagdag pa niya, maawa dapat ang mga gumagawa ng ganitong content sa kanilang mga kababayan na naapektuhan ng maling impormasyon. “Tourism ang negosyo ng area na ‘yun… ngayon kung ipakita n’yo sa inyong mga content na hindi naman totoo, makakasira kayo,” ani Torre. Binalaan din niya na kabilang sa mga kasong posibleng kaharapin ng mga lumalabag ay alarms and scandals, na maaaring magdala ng mas mabigat na pananagutan sa batas. (Latigo Reportorial Team)




