LUNGSOD NG QUEZON – LUNGSOD NG MAYNILA — Ipinakita ni Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairperson at CEO, Undersecretary Michelle Anne “Che-Che” B. Gonzales ang kaniyang matatag na suporta sa pagsusulong ng gender equality at empowerment ng kababaihan, partikular sa mga kabilang sa sektor ng maralita, sa isang pulong nitong Martes sa PCUP Central Office.
Nakipagpulong si Usec. Gonzales kay Philippine Commission on Women (PCW) Chairperson Ermelita Valdeavilla upang talakayin ang posibleng pagtutulungan ng dalawang ahensya. Kabilang sa mga tinalakay ang pagpapatupad ng mga programa para sa women protection, gender equality, at social inclusion, pati na rin ang pagpapalakas ng kampanya para sa HIV awareness at laban sa karahasan sa kababaihan at kabataan.
Ayon kay Gonzales, mahalagang magkaroon ng women’s desk sa bawat tanggapan ng PCUP upang mas matugunan ang mga pangangailangan at hinaing ng kababaihan sa mga maralitang komunidad.
Taun-taon namang inirerekomenda ng PCW ang Gender and Development (GAD) Plans and Budget (GPB) upang masiguro ang pagsunod sa 5% GAD Budget Requirement. Inilalaan ng PCUP ang pondong ito para sa GAD-awareness trainings at iba pang gawain na nakatuon sa pagpapalakas ng kakayahan at karapatan ng kababaihan at kabataan sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Gonzales na ang ganitong mga inisyatiba ay hindi lamang para sa proteksyon ng kababaihan, kundi para sa pagbibigay sa kanila ng pantay na oportunidad na makilahok at makinabang sa mga programang pangkaunlaran. (Latigo Reportorial Team)




