BATANGAS — Sa kabila ng mahigpit na pagbabawal ng pamahalaan laban sa online sabong, patuloy umanong lumalakas at lumalawak ang operasyon ng grupo nina alyas John Capinpin at alyas Aries Alvarez sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. Ayon sa mga mapagkakatiwalaang impormasyon, halos 24 oras ang kanilang mga pasugalan at gumagamit ng makabagong online platforms upang umabot sa mas maraming manlalaro—isang hayagang pagsuway sa batas.
Lumalabas din sa mga ulat na maaaring may kaugnayan ang operasyon ng dalawang ito sa kaso ng 34 nawawalang sabungero noong 2021—isang kontrobersiyang hanggang ngayon ay nananatiling walang resolusyon. Sa halip na mapigil, mas lalo pang lumalawak ang kanilang impluwensya, na para bang walang takot sa kapulisan o sa mga awtoridad.
Kinukwestiyon ngayon ang tila katahimikan at kakulangan ng aksyon nina PBGEN Jack Wanky, Regional Director ng PRO 4A, at ni PCOL Geovanny Sibalo, Provincial Director ng Batangas. Sa kabila ng malinaw na ebidensya at reklamo mula sa mga residente, walang naipapakitang makabuluhang operasyon o hakbang upang tuluyang ipasara ang mga pasugalan ng nasabing grupo. Para sa marami, ang ganitong pananahimik ay mistulang anyo ng pagpapabaya—kung hindi man tuwirang pagkukunsinti.
Hindi tayo agad-agad naniniwala sa mga alegasyong ito, ngunit ang atensyon niyo ay matagal ng kinukuha ng aming tanggapan ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin kaming nakukuhang sagot mula sa inyong tanggapan.
Mariing nananawagan ang pahayagang ito sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng masusing imbestigasyon, hindi lamang laban sa mga gambling operator, kundi pati na rin sa mga opisyal na bigo o ayaw kumilos. Ang pagpapatuloy ng online sabong sa Batangas ay hindi lamang simpleng paglabag sa batas—ito ay hayagang pagsuway sa direktiba ng Pangulo at malinaw na panghamon sa awtoridad ng buong pamahalaan.
Bukas ang Latigo Newspaper Nationwide para sa inyong panig PBGEN Wanky at PCOL Sibalo. Kumilos po kayo at huwag hayaan ang mga ganitong klase ng elemento sa inyong mga nasasakupan.. (Latigo Reportorial Team)




