Umabot na sa 32 ang kumpirmadong nasawi sa gitna ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Thailand at Cambodia, bunsod ng magkakasunod na pag-atake sa kani-kanilang border simula noong Huwebes.
Sinabi ng Thailand Health Ministry na 19 ang namatay sa kanilang panig, habang kinumpirma naman ng Cambodia Defense Ministry na limang sundalo at walong sibilyan ang nasawi sa kanilang panig.
Nagdulot ng labis na takot sa mga mamamayan ang mga pagsabog. Sa ilang video, makikitang nagtatakbuhan at nagtago ang mga residente upang makaiwas sa pinsala. Sa isang video mula sa Thailand military, makikita ang pagbabagsak ng bomba mula sa drone sa isang military depot ng Cambodia.
Nasunog ang isang convenience store sa isang gasolinahan sa Sisaket province, Thailand, habang mistulang ghost town na ang Surin province—walang tao, sarado ang mga tindahan, at inabandona ang mga sasakyan.
Samantala, sa Cambodia, makikita ang ilang residente na nagbabalot ng gamit at lumikas patungo sa mas ligtas na lugar.
Ayon sa Thailand, nagsimula ang tensyon matapos masugatan ang ilang sundalo nila dahil sa landmine na umano’y inilagay ng Cambodia sa border. Mariing itinanggi ito ng Cambodia, at sinabing Thailand umano ang unang umatake.
Matagal nang may alitan ang dalawang bansa tungkol sa hangganan kung saan matatagpuan ang isang templo na kinikilala ng International Court of Justice bilang pag-aari ng Cambodia. Muling lumala ang tensyon nang subukan ng Cambodia na irehistro ang naturang templo bilang UNESCO World Heritage Site.
Dahil sa patuloy na labanan, nagbabala ang Philippine Embassy sa Thailand at Cambodia sa mga Pilipino na umiwas sa mga lugar na malapit sa border at makipag-ugnayan sa embahada para sa kanilang kaligtasan.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), may humigit-kumulang na 33,000 Pilipino sa Thailand at 7,000 Pilipino sa Cambodia.
Patuloy na nananawagan ang DFA ng kalma at diplomasya upang hindi na madagdagan pa ang mga biktima ng sagupaan. (Sandy Espeña)