PAREKOY, may bagong balita tayong ikinatutuwa—lalo na kung isa ka sa libu-libong commuter na araw-araw sumasakay sa MRT-3. Aba’y hindi na natin kailangang pumila pa sa ticket booth, dahil simula ngayon pwede nang GCash, debit o credit card, o Android phone ang gamitin pangbayad!
Opo, narinig mo ‘yan ng tama, Parekoy. Contactless na ang MRT-3. Isang tap lang sa turnstile gamit ang GCash Commuter QR Code, NFC-enabled phone, o kahit VISA card mo, makakapasok ka na sa tren—walang hassle, walang pila.
Sabi nga ni Transportation Secretary Vince Dizon, “Walang dagdag sa pasahe. Kung magkano ang ibinabawas sa GCash, card, o QR code mo, ‘yun din ang halaga ng single journey ticket.”
Ibig sabihin, hindi na kailangang mag-abang sa mahabang pila lalo na sa rush hour. Kung may lakad ka pa o ‘yung tipong late na sa trabaho, mas mapapabilis ang biyahe mo—dahil diretsong tap-in ka na agad!
At eto pa, Parekoy—may libreng Wi-Fi na rin sa MRT-3 stations! Salamat sa DICT, kahit paano, makaka-check ka na ng emails, makapag-online banking o kahit mag-TikTok habang nag-aabang ng tren. Hindi ba’t ‘yan ang isa sa mga pangarap natin sa pampublikong transportasyon?
Pero sandali lang, may paalala:
Kung ang gamit mong card ay ‘yung lumang EMV chip, aba’y makipag-ugnayan ka na sa bangko mo para mapalitan at ma-enjoy mo rin itong cashless convenience. Sayang naman kung maiiwan ka sa analog habang ang lahat ay papunta na sa digital!
Hindi ito basta proyekto lang
Ang sistema raw na ito ay tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas modern, magaan, at episyente ang public transport gamit ang digital technology. At syempre, hindi magiging posible ito kung wala ang kooperasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), DICT, DTI, Landbank, GCash, VISA, at KentKart.
Huwag kang mag-alala, Parekoy…
Kung hindi ka pa MRT-3 rider, huwag ka ring mag-alala—susunod na rin ang LRT-1 at LRT-2 sa cashless system na ito sa mga darating na buwan. Kasama naman sa partnership dito ang RCBC para sa mga susunod na linya.
Sa dami ng stress nating mga commuter, itong simpleng innovation na ito ay malaking ginhawa. Hindi man nito maalis agad ang siksikan o pagkadelay ng tren, at least nabawasan na ang isa sa mga ugat ng inis—ang mahabang pila sa ticket booth.
Kaya kung ako sa’yo, i-update mo na ang app mo, i-ready mo na ang card mo, at simulan mo nang i-enjoy ang cashless convenience ng MRT-3. Kasi dito sa makabagong biyahe, isang tap lang, solve ka na!
Hanggang sa susunod nating kwentuhan. (DJ Gealone)