Muling bibigyang kulay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kasaysayan ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila sa pamamagitan ng anunsyong pagbabalik ng Love Bus—ngayon ay bilang libreng sakay para sa publiko.
Ang Love Bus, na unang umikot sa mga kalsada ng Kamaynilaan noong dekada ’70, ay kilala bilang unang airconditioned public bus system ng bansa. Para sa maraming Pilipino, ito ay simbolo ng modernong urban transport noong kanilang kabataan. Ngunit ngayong 2025, hindi na lamang ito alaalang nakapaskil sa lumang larawan—kundi isa nang aktwal na programa na layong tugunan ang kasalukuyang hamon sa pampublikong transportasyon.
Ayon sa Pangulo, ang pagbabalik ng Love Bus ay bahagi ng kanyang intensyong maghatid ng konkretong serbisyo na makapagpapagaan sa araw-araw na gastos ng mga Pilipino. “Now, we will not only bring back the Love Bus, we will make it free,” mariing pahayag ng Pangulo sa harap ng Kongreso.
Sa kasalukuyan, isinasagawa na ang pilot implementation sa mga lungsod ng Davao at Cebu. Nakalinya rin ang pagpapalawak ng programa sa iba pang bahagi ng Visayas at Mindanao. Bagaman wala pang detalyeng ibinahagi ukol sa pondo, bilang ng bus units, o eksaktong iskedyul ng pagpapalawak sa Metro Manila, malinaw ang mensahe: sa ikalawang hati ng kanyang termino, layunin ng administrasyong Marcos na higit pang paigtingin ang mga programang direktang nakaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng taumbayan.
Sa kabilang banda, habang positibong tinanggap ng marami ang balitang ito, mahalagang bantayan natin kung paano ito maisasakatuparan. Ang mga programang tulad nito ay nangangailangan ng malinaw na logistics, pondo, at sustainability plan upang hindi lamang maging paalala ng nakaraan, kundi epektibong sagot sa kasalukuyan.
Ang pagbabalik ng Love Bus ay higit pa sa simpleng paglalakbay—ito ay panawagan para sa isang transportasyong abot-kaya, maaasahan, at may malasakit. At bilang mamamayan, tungkulin nating suportahan ang magagandang hakbang ng pamahalaan, ngunit may kasamang masusing pagsusuri at panawagan para sa malinaw na pagpapatupad.
Hanggang sa muli. (Grace Batuigas)