PANAWAGANG TOTAL BAN KONTRA ILLEGAL GAMBLING MAS LUMALAKAS

Parekoy, usap tayo.

Ilang araw na rin tayong binabagabag ng balita tungkol sa panawagan na i-total ban na raw ang lahat ng klase ng online gambling dito sa bansa. Aba eh, dumadami na kasi ang kaso ng pangungutang, pagkakawatak-watak ng pamilya, at pati na ang mga kabataang nalululong sa sugal—oo, kahit mga estudyante pa ‘yan, Parekoy!

Ayon sa ilang mambabatas, eh hindi lang POGOs ang problema ngayon. Maging mga online casinos, e-bingo, at kung anu-ano pang sugal na abot-kamay lang sa cellphone ay isa nang malalang banta, lalo na sa mga ordinaryong Pilipino.

Alam mo ‘yon, Parekoy? Yung tipong kahit nasa trabaho ka, o nasa classroom, o nasa jeep lang, pwede ka nang magsugal. Isang click lang, tanggal ang sweldo. Isang swipe lang, ubos ang ipon. Minsan pa, pati ang tuition ng anak, ginagawang puhunan sa online sabong o slot machine. Aba eh, saan ka pa?

Pero teka—bago natin tuluyang husgahan ang online gambling, tanungin din natin ang mas malalim na ugat: Bakit nga ba nahuhumaling ang mga tao sa sugal?

Sabi ng ilan, eh dahil daw sa kahirapan. Kesa nga naman magpakapuyat sa OT at mababa pa rin ang kita, aba’y baka sa sugal ay ‘instant yaman’ daw. Pero ang tanong—ilan ba ang nanalo kumpara sa nalubog sa utang, Parekoy?

At sa usaping moralidad, talagang napapanahon ang tanong na: “Anong klaseng lipunan ang gusto nating itaguyod?” Isang lipunang may disiplina, o isang bansang nilamon ng bisyo?

Pabor ako sa regulasyon. Pero kung ang sistema’y hindi kayang i-monitor nang maayos ang mga online gambling platforms, baka ang total ban ang tanging sagot. Kasi sa ngayon, parang walang preno ang gulong ng sugal sa internet. May lisensya man o wala, kung makasira ng buhay, pareho pa rin ang epekto.

Pero tandaan natin, Parekoy: hindi lang batas ang solusyon. Kailangan ng edukasyon, disiplina, at suporta mula sa pamilya. Hindi porke’t na-ban, mawawala na agad. May mga lusot pa rin ‘yan kung hindi tayo magbabantay.

Kaya ikaw, Parekoy, kung may kaibigan o kamag-anak kang nahuhumaling na sa online gambling, baka panahon na para kausapin mo na siya. Baka ikaw ang maging tulay niya pabalik sa tamang landas.

Hindi pa huli ang lahat.

Usap tayo ulit sa susunod, Parekoy. (DJ Gealone)

SSS, BUMILI NG P500-MILYONG HALAGA NG CENTURY PROPERTIES SHARES

WITHDRAW NA, NAGING DRAW PA! LABAN NI PACQUIAO

Leave a Reply

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"