Bulacan Governor Daniel R. Fernando personally visits some 136 families affected by the onslaught of the southwest monsoon intensified by Tropical Cyclones Crising, Dante, and Emong, accompanied by Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian and Vice Gov. Alexis C. Castro (not in photo). He distributes food packs at the evacuation center in Balagtas Central School, Brgy. Wawa, Balagtas, Bulacan recently. INSET: Some of the affected families who are temporarily seeking shelter at the evacuation center.
LUNGSOD NG MALOLOS — Dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng pinalakas na southwest monsoon (habagat) na pinatindi ng Bagyong Crising, Dante, at Emong, agad na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang malawakang disaster response upang tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga apektadong Bulakenyo.
Ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), umabot na sa 188 evacuation centers ang binuksan sa buong lalawigan kung saan 6,041 pamilya o kabuuang 19,638 katao ang pansamantalang inilikas, karamihan ay mula sa mga mabababang lugar at mga bahain na bayan.
Pinangunahan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alexis C. Castro ang pamimigay ng tulong sa mga evacuation centers. Sa inisyal na operasyon ng Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO), 1,185 relief packs ang naipamahagi sa mga bayan ng Paombong, Lungsod ng Malolos, at Marilao.
Pinalakas din ng PDRRMO ang kanilang mga hakbang sa pamamagitan ng 24/7 na CCTV monitoring para sa biglaang pag-ulan at pagtaas ng tubig, pagtaas ng alert status mula Blue patungong Red, tuloy-tuloy na weather forecasting at pakikipag-ugnayan sa mga ahensiyang lokal at nasyonal.
Batay sa pinakahuling taya ng panahon, asahan ang Yellow to Orange Rainfall Warning mula alas-5:00 ng umaga ng Hulyo 24 hanggang alas-5:00 ng umaga ng Hulyo 25, dulot ng kombinasyon ng habagat at tatlong bagyo. Babala ito sa posibleng flash floods at landslides sa mga bulnerableng lugar.
Sa isang emergency meeting, inatasan ni Fernando bilang chairperson ng PDRRMC ang lahat ng kaukulang tanggapan na paigtingin pa ang weather monitoring, magsagawa ng rapid damage assessment, at palalimin ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang mapanatili ang mabilis na pagtugon at pagbangon.
Samantala, iniulat ng Provincial Agriculture Office na umabot na sa ₱85.6 milyon ang tantiyang pinsala sa agrikultura at pangisdaan, na nakaapekto sa 1,870 magsasaka at 962 mangingisda. Dagdag pa rito, ang paunang ulat sa pinsala sa livestock at poultry ay umabot na sa ₱685,300.00.
Dahil sa matinding sitwasyon, nagdeklara na ng State of Calamity ang mga bayan ng Calumpit, Balagtas, Paombong, at Lungsod ng Meycauayan, upang agad na magamit ang emergency funds, magpatupad ng price control, at paigtingin ang rescue at relief operations.
Para sa mga karagdagang impormasyon at agarang tulong, hinihikayat ang publiko na bisitahin ang mga opisyal na Facebook page ng Provincial Government of Bulacan, Daniel R. Fernando, at Bulacan Rescue, o tumawag sa mga emergency hotline: 911, (044) 791-0566, 0905-333-3319, at 0942-367-1455. (Latigo Reportorial Team)