MAYOR JENNY BARZAGA AT MAYOR RANDY SALAMAT, WAPAKELS SA OPERASIYON NG TALAMAK NA SAKLA
CAVITE – Isang linggo matapos isiwalat sa publiko ang talamak na operasyon ng illegal na sugal na SAKLA sa ilang bayan at lungsod sa Cavite, patuloy pa rin itong umiiral na tila walang pangambang mapatigil.
Sa bayan ng Alfonso, Cavite, kapansin-pansin ang presensiya ng SAKLA sa mga mataong lugar, palengke, at ilang barangay. Bagaman nananawagan ang mga mamamayan ng agarang aksyon, nananatiling tikom ang bibig ni Mayor Randy Salamat at PMaj. Mojica. Ayon sa ilang residente, tila wala pa ring ginagawang konkretong hakbang ang lokal na pamahalaan at kapulisan upang buwagin ang pasugalan na pinamumunuan pa rin nina Alyas Ian at Francis.
Sa lungsod naman ng Dasmariñas, patuloy ang operasyon ng SAKLA sa kabila ng panawagan noong nakaraang linggo. Si Alyas Ting, na sinasabing operator ng naturang sugal, ay aktibo pa ring nagpapatakbo sa kabila ng presensiya ng mga barangay tanod at pulisya. Sa kabila ng mataimtim na panawagan kay Mayor Jenny Barzaga at sa hepe ng Dasma CPS PLTCOL REGINO L OÑATE., nananatiling tahimik at walang malinaw na aksyon mula sa kanilang panig.
Ayon sa isang impormante mula sa PNP Cavite, may mga ulat na ilan sa mga pulis sa naturang mga bayan at lungsod ay nakatatanggap umano ng lingguhang “tara” o payola mula sa mga operator kapalit ng pangkonsinteng pananahimik.
Samantala, umaasa ang mamamayan ng Cavite na si Governor Abeng Remulla at ang Cavite Police Provincial Director PCOL Ariel R Red ay makikialam na upang buwagin ang malalakas na koneksiyon ng mga gambling operator sa lokal na pamahalaan at kapulisan.
“Hindi na ito simpleng sugal. Ito’y simbolo ng sistematikong pagkabulok ng lokal na pamahalaan at ng ilang tiwaling pulis. Panahon na para tapusin ang panlilinlang ng mga nagpapanggap na lider ngunit kasabwat ng mga illegalista,” ayon sa pahayag ng isang lokal na lider-simbahan sa Dasmariñas.
Patuloy ang panawagan ng mga residente sa pamamagitan ng social media, at liham sa mga opisyal.
ABANGAN: Sa susunod na linggo, aalamin natin kung may mga aksyong isinagawa ang mga opisyal ng Cavite, at kung sino ang mga sangkot na tiwaling pulis o politiko na umano’y padrino ng mga illegalista. (Latigo Reportorial Team)