BAGONG YUGTO NG BULACAN, PORMAL NANG BINUKSAN

LUNGSOD NG MALOLOS — Pormal nang binuksan ang bagong yugto ng pamahalaang lehislatibo ng Lalawigan ng Bulacan sa ginanap na Pasinayang Pagpupulong ng Ika-12 Sangguniang Panlalawigan at Paglalahad ng Kalagayan ng Lalawigan na pinangunahan ni Bise Gobernador Alexis C. Castro nitong nakaraang linggo.

Ginanap ang makasaysayang pulong sa Bulawagang Senador Benigno S. Aquino, Jr. sa Gusali ng Kapitolyo ng Bulacan, kung saan dumalo ang lahat ng bagong halal at muling nahalal na mga Bokal mula sa pitong distrito ng lalawigan.

Sa kaniyang talumpati, nanawagan si Bise Gobernador Castro ng pagkakaisa, bukas na pamahalaan, at makabuluhang paggawa ng batas na tunay na may malasakit sa mamamayang Bulakenyo. “Hindi lamang pagpasa ng batas ang ating tungkulin. Tayo ay dapat maging haligi ng dangal, talino, at malasakit,” ani Castro.

Binigyang-diin rin niya ang kahalagahan ng pagpapanagot sa mga palpak na serbisyo tulad ng PrimeWater, pagtutol sa nakakasirang epekto ng online gambling, at ang agarang rehabilitasyon ng Marilao Interchange Bridge at Bustos Dam — mga imprastrakturang kritikal sa kaligtasan at pag-unlad ng probinsya.

Ang Ika-12 Sangguniang Panlalawigan ay binubuo ng mga Bokal mula sa Unang Distrito na sina Michael M. Aquino at Romina D. Fermin na nahirang bilang Minority Floor Leader; mula sa Ikalawang Distrito sina Erlene Luz V. dela Cruz na Majority Floor Leader at Lee Edward V. Nicolas; mula sa Ikatlong Distrito sina Raul A. Mariano at Romeo “RC Nono” V. Castro, Jr.; mula sa Ikaapat na Distrito sina Anna Kathrina M. Hernandez at William R. Villarica; mula sa Ikalimang Distrito sina Richard A. Roque at Cezar L. Mendoza na nagsisilbing Assistant Majority Floor Leader; mula sa Ikaanim na Distrito sina Renato DL. De Guzman, Jr. at Arthur A. Legaspi; at mula sa Lungsod ng San Jose del Monte sina Enrique A. Delos Santos, Jr. at Efren C. Bartolome, Jr.

Kasama rin sa lupon ng mga miyembro ang mga ex-officio board members na sina Francis Jerome G. Reyes, Pangulo ng Provincial Councilors League; Fortunato SJ. Angeles, Pangulo ng Liga ng mga Barangay; Casey Tyrone E. Howard, Pangulo ng Sangguniang Kabataan Provincial Federation; at Liberato P. Sembrano, ang Indigenous People Appointed Official.

Ipinagmalaki rin ni Castro ang naging output ng Ika-11 Sangguniang Panlalawigan na nakapasa ng 44 na ordinansa at 2,910 resolusyon mula sa halos isang libong committee hearings at sampung public hearings, na nilahukan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

Matapos ang pasinayang sesyon, inilathala naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kanyang State of the Province Address (SOPA), na nagtampok ng mga inisyatibo at programa ng pamahalaan sa mga larangan ng kalusugan, edukasyon, kabuhayan, kapaligiran, at waste management.

Sa kabuuan, ang pagbubukas ng bagong lehislatura ay tila panibagong pag-asa sa patuloy na pagsulong at pagbabago sa Lalawigan ng Bulacan. (Latigo Reportorial Team)

MARALITA AT MAGSASAKA, BIDA SA MGA PANUKALA NI CONG HENRY MARCOLETA

BAGONG EMERGENCY 911 SYSTEM ILULUNSAD

Leave a Reply

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"