Alam mo, Marekoy, sa dami ng mga kwento ng mga kababayan nating hirap pa ring magkaroon ng sariling bahay, minsan parang suntok sa buwan na lang ang pangarap na magkaroon ng disenteng tirahan. Pero heto na, may magandang balita tayo ngayong linggo!
Aba’y hindi biro, Marekoy — 42 private developers na ang nag-commit na gumawa ng mahigit 250,000 na socialized housing units para sa mga Pilipino sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o mas kilala bilang 4PH program ng administrasyon.
Ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Marekoy, pormal na itong isinulat ng mga bigating grupo sa real estate tulad ng Chamber of Real Estate and Builders’ Associations, Inc., National Real Estate Association, Organization of Socialized and Economic Housing Developers of the Philippines, at Subdivision and Housing Developers Association, Inc.
Sabi nga nila sa sulat nila, Marekoy, naniniwala raw sila sa potensyal ng 4PH na talagang makapaghatid ng tunay na solusyon sa matagal nang problema natin sa pabahay. Kaya naman, todo-suporta sila at may listahan na raw sila ng mga kumpanyang willing makibahagi sa proyekto.
Dagdag pa nila, hindi raw nila ito basta ginawa lang. Na-engganyo raw sila sa mga repormang ipinatupad ng DHSUD — mas mabilis na proseso sa permits, updated standards, mas maayos na presyo, at ang pagbuo ng Housing One-Stop Processing Centers o HOPCs.
Ang matindi pa, Marekoy, gusto pa nilang itest-run ang isang dedicated HOPC na para lang sa mga transaksyon ng 4PH para daw mas mabilis at mas coordinated ang galaw ng gobyerno, LGUs, at mga developers.
Syempre, tuwang-tuwa si DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling sa balita. Sabi niya, malaking bagay daw ito para sa layunin ni President Bongbong Marcos na makapagtayo ng isang milyong bahay kada taon sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas.
Kaya Marekoy, kung dati parang malabong abutin ang pangarap na bahay, baka ngayon, unti-unti nang nagiging realidad. Sana lang, hindi lang ito drawing sa papel, kundi talagang matupad at maramdaman ng mga kababayan nating matagal nang nangangarap ng tahanan.
‘Til next kwentuhan, Marekoy — sana sa susunod, may good news na tayong pabahay para sa ‘yo o sa kakilala mong matagal nang nakikitira. (MJ Espeña)