Marekoy, ngayong Pride Month, may mensahe si Vice President Sara Duterte na ramdam na ramdam ko sa puso, at baka ikaw rin, no? Isa na namang patunay na kahit sa gitna ng pulitika, may mga pagkakataong nakakakita tayo ng sinserong panawagan para sa pagkakapantay-pantay at pagmamalasakit.
Alam mo ba, sinabi mismo ni VP Sara na miyembro siya ng LGBTQ+ community. At sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang tapang ng mga kabaro natin na mamuhay nang totoo, tapat, at walang takot. Marekoy, hindi biro ang lumantad at ipakita ang tunay na pagkatao, lalo na sa isang lipunang puno pa rin ng panghuhusga. Kaya nga saludo tayo sa mga taong walang takot na yakapin kung sino talaga sila.
Sabi pa ni VP Sara, ang ating demokrasya ay may tungkuling protektahan ang mga pinaka-maralita at pinaka-vulnerable. At oo, kabilang dito ang LGBTQ+ community. ‘Pag pinangangalagaan natin ang karapatan ng bawat isa—lalo na ng mga kadalasang nasa laylayan—mas pinatatatag daw natin ang pundasyon ng ating kalayaan. Marekoy, ang ganda ng pagkakasabi n’ya, no? Kasi sa totoo lang, ang laban ng isa, laban ng lahat.
Hindi rin niya pinalampas banggitin ang mga kinakaharap na hamon ng LGBTQ+—mula sa diskriminasyon sa trabaho, hirap sa patas na serbisyong pangkalusugan, hanggang sa mga usapin sa mental health. Ramdam natin ‘yan, di ba? Marami pa rin sa kanila ang hindi makakuha ng tamang atensyon at pagkalinga, lalo na sa mga lugar na kulang ang kaalaman at pang-unawa.
Pero sa kabila ng lahat, sabi niya, ang Pride ay paalala ng ating pagkakaisa bilang tao—na ang ating pagkakaiba ay hindi dapat ituring na kahinaan, kundi lakas at inspirasyon para magtagumpay. Marekoy, kung ganito lang sana lagi ang mensahe ng mga namumuno—puno ng malasakit, pag-unawa, at pagkilala—baka mas maaliwalas ang takbo ng ating lipunan.
Kaya ngayong Pride Month, sana hindi lang tayo magkulay-bughaw, dilaw, pula o berde sa ating profile pic. Sana mas pakinggan natin ang boses ng bawat isa, tanggapin ang bawat pagkakaiba, at higit sa lahat, ipaglaban ang pantay na karapatan para sa lahat—hindi lang ngayong buwan, kundi araw-araw, taon-taon, habang tayo’y nabubuhay. (MJ Espeña)




