MALOLOS CITY — Buong puso at tapang na pinangunahan ni Punong Lungsod Christian D. Natividad ang Panunumpa sa Katungkulan ng mga bagong halal na opisyal ng Lungsod ng Malolos noong Hunyo 30, 2025 sa Malolos Sports and Convention Center. Sa kaniyang talumpati, ipinahayag ng alkalde na ang tunay na sukatan ng tagumpay ng pamahalaan ay nasusukat sa damdamin ng mga mamamayan kung sila ay may pamahalaang masasandalan sa panahon ng pangangailangan.
Binigyang-diin ni Mayor Natividad ang pagpapatuloy ng isang “demand-driven and results-oriented governance” na nakatuon sa tunay na pangangailangan ng mamamayan. Aniya, hindi lamang ito mga proyekto kundi konkretong serbisyo na direktang mararamdaman ng publiko. Isa sa mga programang muling paiigtingin ng alkalde ay ang “People’s Day” kung saan personal siyang makikipag-ugnayan sa mamamayan upang marinig ang kanilang mga hinaing.
Ibinida rin ng Punong Lungsod ang tagumpay ng Malolos sa sektor ng agrikultura matapos nitong manguna sa buong Bulacan sa may pinakamataas na yield per hectare. Bunsod nito, lalo pang pagtutuunan ng pansin ng pamahalaang lungsod ang agrikultura bilang mahalagang haligi ng lokal na ekonomiya. Kabilang sa mga inisyatibang ito ay ang pagbibigay ng libreng pataba, libreng binhi, at insurance coverage para sa mga magsasaka upang masigurong may tulong sa panahon ng kalamidad.
Kasabay nito, iginiit ng alkalde ang pangangailangang mapanatiling “livable” ang lungsod. Aniya, ang Malolos ay hindi dapat matulad sa ibang lungsod na pawang mga gusali na lamang ang natitira at wala nang sapat na espasyong berde. Pinahahalagahan umano ng administrasyon ang balanseng kaunlaran—isang lungsod na may bukas na kalikasan, maayos na komunidad, at mataas na kalidad ng pamumuhay.
Binalikan din ni Mayor Natividad ang mga taon ng kanilang pagtutulungan ni Vice Mayor Gilbert “Bebong” Gatchalian, mula pa noong kanilang kampanya ng “Bagong Malolos.” Ayon sa kanya, kahit ilang ulit man silang tangkaing paghiwalayin, tila itinadhana ang kanilang samahan upang patuloy na maglingkod nang magkasama para sa lungsod.
Pinangunahan ni Associate Justice Ronald B. Moreno ang seremonya ng panunumpa sa katungkulan na dinaluhan ng mga bagong halal na opisyal ng lungsod. Kabilang sa mga nanumpa sina Hon. John Vincent “JV” G. Vitug III, Hon. Dennis “Konde” D. San Diego, Hon. Meri Ann Geli “Coach” Bulaong, Hon. Edgardo “Ega” F. Domingo, Hon. Victorino “Troi” M. Aldaba III, Hon. Luis Alfonso “Poncho” M. Arcega, Hon. Miel Arthem Agustin, Hon. Miguel Carlos “Mikki” B. Soto, Hon. Noel “Len” G. Pineda, at Hon. Christian Peter “Toots” C. Bautista. Dumalo rin ang kanilang mga pamilya, mga kinatawan mula sa national agencies, mga opisyal ng barangay, at kawani ng lokal na pamahalaan.
Sa nalalapit na Inaugural Session ng Sangguniang Panlungsod, inaasahang ilalahad ni Mayor Natividad ang kaniyang mga hangarin at plano para sa mas progresibong Lungsod ng Malolos. (Latigo Reportorial Team)




