MALOLOS CITY, BULACAN — Sa ilalim ng pamumuno ni City Mayor Atty. Christian D. Natividad, matagumpay na isinagawa ang inagurasyon at pagbabasbas ng mga makasaysayang proyekto sa loob ng 10-ektaryang Malolos Government Compound nitong Hunyo 12, 2025, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Ang mga proyektong ito ay bunga ng matagal nang pangarap na ngayon ay nagiging konkretong realidad para sa mga Maloleño.
“Paano sila magiging pag-asa kung hindi natin ihahanda [ang] kasalukuyan na kanilang daanan patungo sa pagiging pag-asa ng ating bayan?” mariing pahayag ni Mayor Natividad, na nagsisilbing gabay sa direksyong tinatahak ng lungsod.
Matatandaang ang Sports and Convention Center lamang ang nakatayong gusali noon sa lugar, ngunit ngayon, tampok na ang bagong modernong City Hall sa gitna ng compound, na nagsisilbing sentro ng pamahalaang lungsod. Kasama rin sa inagurasyon ang mga pasilidad para sa iba’t ibang uri ng sports—mula sa basketball, volleyball, tennis, hanggang sa skateboarding—na bukas para sa lahat, lalong-lalo na sa kabataan.
Bukod sa pisikal na aktibidad, binigyang-diin din ang sining at kultura sa pamamagitan ng pagbubukas ng open-air amphitheater. Layunin nitong maging sentro ng malikhaing pagpapahayag at pagtatanghal ng talento ng mga Maloleño sa larangan ng teatro, sining, at kultura. Ang disenyo ng amphitheater ay umani ng papuri at inaasahang magbibigay sigla sa komunidad at pagmamalasakit sa sariling pagkakakilanlan.
Isa rin sa mga pangunahing tampok ng inagurasyon ang Malolos Solar Park—ang kauna-unahang pasilidad ng solar energy sa buong lalawigan. Isa itong malaking hakbang patungo sa makakalikasang pag-unlad, na nagtuturo sa kabataan ng kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan.
Hindi rin kinaligtaan ni Mayor Natividad ang aspeto ng rehabilitasyon at seguridad. Pinasinayaan rin ang Balay Silangan Reformatory Center, na magsisilbing ligtas na lugar para sa pagbabago at pagbangon ng mga dating naligaw ng landas. Dagdag pa rito, pinahusay ang kapasidad ng kapulisan sa pamamagitan ng pagtatatag ng City Explosives and Canine Unit, isang yunit na tututok sa mas mabilis at epektibong pagseserbisyo sa mamamayan.
Dinaluhan ng mga kilalang personalidad sa sports at pamahalaan ang seremonya, kabilang sina Bulakan Mayor at dating PBA player Vergel Meneses, Vice Mayor Miguel Alberto T. Bautista, at mga atletang sina Jack Danielle Animam, Yutien Andrada, Dominick Fajardo, Katherine Borja Santos, Riri Meneses, at City Administrator Joel S. Eugenio.
Ang mga proyektong ito ay patunay ng matibay na pagpaplano at determinasyong maglingkod. Hindi lamang ito modernisasyon kundi isang malinaw na hakbang tungo sa mas malinis, mas maayos, at mas progresibong Malolos—isang lungsod na tunay na inihahanda para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon. (Latigo Reportorial Team)