Mga parekoy, usap tayo.
Mainit na usapin ngayon ang desisyon ng Senado na ibalik—o i-remand—ang articles of impeachment pabalik sa House of Representatives. At hindi lang basta mainit—may nagsabing “kampon ng diyablo” pa raw ang mga senador! Aba’y tila eksena sa pelikula!
Pero bago tayo magalit, mag-react, o magkomento sa Facebook ng “sold na sold sa dilim,” mas maganda sigurong linawin muna natin: Ano ba ang ibig sabihin ng “remand”? At ‘yun nga ba ay pampabagal ng proseso?
Unang-una, importante nating tandaan na hindi pa ito trial. Ang Senado, kapag naging impeachment court, dapat siguraduhin na lahat ng papeles, proseso, at dokumento ay malinis, walang butas, at sumusunod sa Saligang Batas. Hindi porke’t gusto ng karamihan na ituloy ang kaso, eh isasalang na agad.
Eh ano bang nangyari? Ayon sa ilang legal experts at mismong mga senador, tila may procedural lapses o mga hindi nasunod na patakaran sa pagsampa ng reklamo sa Kamara. Isang halimbawa? ‘Yung sinasabing “10-day at 3-day rule” ng Konstitusyon. Parang hindi raw nasunod nang maayos. Eh kung may butas nga naman, puwedeng mabalewala ang buong kaso kapag umabot na ito sa trial. Hindi ba’t mas sayang ‘yun?
Kaya ang ginawa ng Senado ay ‘di para pabagalin, kundi para siguraduhin na wala silang binabalahurang batas. Maging sila kasi, kapag hindi naging maingat, puwedeng maipit. Remember, ang Senado ang tatayong hukuman. So, siyempre, gusto nilang malinaw ang lahat bago mag-umpisa.
Saka kung tutuusin, puwede nga nilang i-dismiss agad ito. Sa ilalim ng rules na sinusunod ng Senado—2019 Revised Rules of Civil Procedure—may tinatawag na summary dismissal. Ibig sabihin, kung may klarong problema sa simula pa lang, puwedeng tapyasin na agad ang kaso. Pero hindi nila ginawa ‘yon. Imbes, ibinalik muna nila sa Kamara para ayusin, linawin, at siguruhing maayos ang proseso.
So ngayon, ang tanong: Pinapatagal ba ng Senado ang impeachment process?
Sa totoo lang, hindi. Ang totoo, sinusubukan nilang iayos. Dahil kung minadali mo ang isang gusali na may bitak sa pundasyon, siguradong babagsak. Pero kung inayos mo muna bago itayo, mas matibay, mas maayos, at mas kapani-paniwala ang resulta.
Kaya sa halip na magalit, baka panahon na rin para mas paigtingin natin ang pag-unawa sa mga proseso ng gobyerno. Hindi lahat ng delay ay masama—lalo na kung ito ay para sa mas maayos na hustisya.
Hindi lahat ng mabilis ay tama. Minsan, ang mabagal, ay maingat. (DJ Gealone)