MGA SENADOR, NAG-CONVENE NA PARA SIMULAN ANG IMPEACHMENT TRIAL KONTRA VP SARA DUTERTE

Mga ka-LATIGO, tila mainit na namang usapin ang pulitika sa ating Senado. Noong kamakailan lang, opisyal nang nagsimula ang impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte. Oo, tama ang nabasa ninyo—imbestigasyon ito para alamin kung may basehan nga ba para siya’y tanggalin sa puwesto.

Pero teka, hindi pa nagsisimula nang husto ang usapan, may mga senador na agad naglabas ng kani-kanilang damdamin. Unang-una na riyan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa. Sa kanyang talumpati, agad siyang nagmosyon na ibasura na lang ang reklamo laban kay VP Sara. Ayon sa kanya, may mga “constitutional infirmities” daw ang reklamo at hindi dapat ito tinanggap ng Kongreso.

Pero bago umusad ang mosyon, pinutol muna ang sesyon. Bakit? Kailangan daw muna magsuot ng itim na balabal ang mga senador para maging pormal silang mga “senator-judges” ng impeachment court. Tradisyon, ika nga. Pero kung tutuusin, parang senyales na rin ito ng bigat at seryosong papel ng Senado sa ganitong proseso.

Pagbalik ng sesyon, si Senador Chiz Escudero, na siyang presiding officer ng korte, idineklara na bukas na ang impeachment trial. Isa itong makasaysayang sandali, hindi lang para sa Senado, kundi para sa buong bayan.

Pero siyempre, hindi rin mawawala ang mga komento ng ibang senador. Si Senador Bong Go, tila nanawagan ng balanse: hustisya, hindi pulitika ang habol. Gusto niyang pag-aralan itong mabuti, baka raw pwedeng i-remand muna o ibalik ang reklamo. Wika nga niya, “Tama ang accountability, ‘wag lang pulitikahin.”

Mabigat din ang pahayag ni Senador Robin Padilla. Sabi niya, habang abala ang mga mambabatas sa usapin ng impeachment, marami sa ating mga kababayan ang naghihintay ng gamot, dagdag-sahod, at higit sa lahat—ng pag-asa. Bawat araw ng delay, may nawawalan ng tiwala. Napakasimpleng pahayag, pero may lalim. Totoo nga naman—habang mainit ang pulitika, malamig pa rin ang bulsa ng maraming Pilipino.

Mga ka-Latigo, sa totoo lang, ang impeachment ay bahagi ng checks and balances sa ating demokrasya. Hindi ito dapat katakutan. Pero hindi rin ito dapat gawing instrumento ng pulitika. Ang tanong: ito ba ay pagtupad sa tungkulin, o bahagi ng mas malalim na laban sa kapangyarihan?

Ang boto at boses ng mga senador ay mahalaga. Pero higit sa lahat, tayo—ang mamamayang Pilipino—ang tunay na korte ng opinyon. Sa huli, tayo ang huhusga kung ang prosesong ito ay para sa katarungan, o para sa interes ng iilan.

Kaya habang sinusubaybayan natin ang impeachment na ito, tanungin natin ang ating sarili: Ito ba’y laban para sa katotohanan, o palabas lamang para sa entablado ng pulitika?

Ano sa tingin mo, kabayan? (Mario Batuigas)

ILLEGAL GAMBLING AT FAKE CIGARETTE, UNSTOPPABLE SA NUEVA ECIJA?

RESPONSIBILIDAD NATIN ANG KATOTOHANAN

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"