MANILA – Isusulong ni Congressman Paolo Henry Marcoleta, 1st nominee ng SAGIP Partylist, sa kaniyang pag-upo ang panukalang batas na magbibigay ng P2,000 buwanang subsidiya sa bayarin sa kuryente ng bawat pamilyang kabilang sa extremely poor at near poor sa ilalim ng National Targeting System ng pamahalaan.
Ayon kay Marcoleta, malaking tulong ito sa mga Pilipinong hirap sa buhay na buwan-buwang binabayo ng mataas na bayarin sa kuryente.
“Malaking bagay po ‘yan sa mahihirap kung matatapyas ang dalawang libo na binabayaran nila buwan-buwan sa kuryente,” ani Marcoleta.
Bukod sa subsidiya, isusulong din ni Marcoleta ang pagkansela ng kasalukuyang 12% Value Added Tax (VAT) sa bayarin sa kuryente upang higit pang mapagaan ang pasanin ng mga konsyumer.
“Unang-una na ipa-file na bill ay ang pagkansela sa 12% VAT sa ating Electricity Bill,” giit ng mambabatas.
Dagdag pa rito, naghahanda rin siya ng panukala para sa isang Price Protection Scheme na layuning magkaroon ng mekanismo ng kontrol sa presyo upang maprotektahan ang interes ng mga ordinaryong mamamayan.
Sa panayam, nagpaabot ng pasasalamat si Congressman-elect Marcoleta sa mga sumuporta sa kanilang partido.
“Ako po ay taos-pusong nagpapasalamat sa lahat ng tumulong at bumoto para po ipanalo ang ating Senador (Senator Rodante Marcoleta) at ang ating partido SAGIP Partylist,” aniya.
Tiniyak niyang magiging matatag na tambalan sila ni Senator Rodante Marcoleta sa pagsusulong ng mga batas na tunay na makatutulong sa mga Pilipinong nangangailangan.
“ Kami po ay magiging tandem, isa sa Senado at isa sa mababang kapulungan, para po isulong ang mga makabuluhang panukalang batas na naglalayong pagandahin ang antas ng pamumuhay, lalong lalo na po ang mga kababayan nating mahihirap,” pagtatapos ni Marcoleta. (Mario Batuigas)