ONLINE GAMBLING, DAPAT NANG IPAGBAWAL SA BUONG BANSA

Sa panahon kung kailan patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin, mababa ang sahod, at marami ang walang permanenteng trabaho, isang modernong salot ang tahimik ngunit agresibong lumalason sa lipunan—online gambling.

Hindi na lihim na kaliwa’t kanan ang mga advertisement ng mga online gambling platforms. Mula billboard hanggang social media, pati ang telebisyon ay pinasok na ng makukulay at masisiglang promosyon na tila ba nag-aanyaya ng “panibagong pag-asa.” Mas malala pa, may mga kilalang personalidad at artista pa ang nag-eendorso ng mga ito, na para bang isang larong pambata lang ang pagsusugal.

Ngunit ang hindi nila sinasabi ay ang mas madilim na katotohanan:

Marami ang natatalo. Mas marami ang nalulubog sa utang. At mas marami pa ang nawawasak ang pamilya.

Ang online gambling ay hindi na simpleng libangan. Isa na itong sistematikong operasyon na ginagawang negosyo ang kahirapan at desperasyon ng mga karaniwang Pilipino. Tinatarget ang mga pagod sa trabaho, ang mga walang hanapbuhay, at ang mga kabataang naghahanap ng madaling pera—na sa bandang huli, ay lalong nawawalan.

Hindi na ligtas kahit ang ating mga cellphone. Sa ilang pindot lang, maaari nang magdeposito gamit ang mga sikat na e-wallet, na sa halip ay dapat ginagamit para sa makabuluhang transaksyon gaya ng bayarin sa kuryente, pagkain, at pag-aaral.

Ano ang ginagawa ng mga ahensyang dapat mangalaga sa interes ng publiko?

Ang pagtutok ng PAGCOR sa pagkolekta ng buwis at lisensya ay tila mas nangingibabaw kaysa sa tunay na mandato nitong tiyakin na ang pagsusugal ay hindi magdudulot ng kapahamakan sa publiko. Ang mga batas ay nananatiling tahimik. Ang mga lider ay tila bulag sa epekto ng online gambling sa mga mamamayan sa laylayan.

Kaya naman panahon na para gumawa ng konkretong hakbang.

Nanawagan kami kay Senator Rodante Marcoleta at sa iba pang mambabatas na may malasakit sa masa. Dapat nang maglunsad ng imbestigasyon ukol sa lawak at epekto ng online gambling sa bansa. Kailangan nang itulak ang pagpasa ng batas na tuluyang magbabawal sa operasyon at promosyon ng online gambling. Higit sa lahat, dapat mapanagot ang mga operator na patuloy na nagpapalaganap ng sistemang ito sa kabila ng pinsalang dulot nito sa mga mamamayan.

Ang pagsusugal ay game of chance—pero sa sistemang ito, laging talo ang Pilipino.

Hindi natin dapat ipagkibit-balikat ang isyung ito. Hindi natin dapat hayaang ang kinabukasan ng kabataan ay nakataya sa isang promo code. At higit sa lahat, hindi dapat gawing pamahalaan ang bansa na mistulang casino.

Wakasan na ang online gambling.

Hindi bukas, hindi sa susunod na taon—ngayon. (DJ Gealone)

Spread the love

PABAHAY PARA SA PILIPINO, MAS PINALAWAK!

Leave a Reply