DARLENE BERBERABE, BAGONG SOLICITOR GENERAL!

May bagong mukha sa Office of the Solicitor General!

MANILA – Nitong Huwebes, pormal nang nanumpa kay ­Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si ­Darlene Marie Berberabe bilang bagong ­Solicitor ­General ng ­bansa, kapalit ni ­Menardo ­Guevarra na nagbitiw sa puwesto.
Kung pamilyar ang pangalan ni Berberabe, siya ang dating CEO ng Pag-IBIG Fund at ngayon ay dekana ng UP College of Law. Kilala siya sa pagiging isang top-caliber lawyer na may malawak na karanasan sa pamumuno.
Hindi lang siya basta iniluklok — kabilang din siya sa mga ­iniinterbyu ng Judicial and Bar Council (JBC) bilang isa sa mga kandidato para sa bakanteng posisyon sa Korte Suprema sa pagreretiro ni Associate Justice Mario Lopez sa Hunyo 2025.
Kaya naman marami ang nakatutok sa kanyang bagong papel sa pamahalaan.
Kasabay ng kanyang panunumpa, nanumpa rin si Engr. Jose Ramon Aliling bilang bagong kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Pinalitan niya si Jose Rizalino Acuzar, na itinalaga naman bilang Presidential Adviser for Pasig River Development.
Samantala, nagpaalam na sa serbisyo publiko si dating Solicitor General Guevarra.
Sa kanyang mensahe, sinabi niyang panahon na raw para bumalik sa isang tahimik at pribadong buhay.
“As for me, maybe it’s time to go back to a quiet and peaceful private life,” aniya.
May mga haka-haka na may kinalaman ang naging posisyon ng OSG noong Marso hinggil sa mga ­habeas corpus petitions na may kaugnayan kay dating Pangulong ­Rodrigo Duterte at sa ICC. Pero agad itong nilinaw ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ayon kay Bersamin, walang kinalaman ang isyung iyon sa pagbibitiw ni Guevarra.
“I don’t think that that was a factor at all… The President ­continued to repose trust in him,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, marahil tinanggap na rin ni Pangulong Marcos ang pagbibitiw upang bigyang-daan ang mga bagong lider gaya ni Berberabe.
Mukhang ­malaking hamon ang ­naghihintay sa bagong Solicitor General, pero marami ang naniniwalang ­handa siya sa laban. (Mario Batuigas)

Spread the love

ILLEGAL GAMBLING AT FAKE CIGARETTE, MULING NAGKALAT SA NUEVA ECIJA?

PABAHAY PARA SA PILIPINO, MAS PINALAWAK!

Leave a Reply