MANILA – Inihayag ni Senator-elect Rodante Marcoleta nitong Sabado na handa siyang dumalo at gampanan ang kanyang tungkulin sa impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na inaasahang magsisimula sa Hulyo 30. Gayunpaman, iginiit niyang kailangang pag-usapan muna kung nararapat bang ituloy ang proseso ng impeachment.
“Preparado ako talaga… Pag-debatehan muna natin kung talagang kinakailangan matuloy o hindi,” pahayag ni Marcoleta sa mga mamamahayag. Ayon sa kanya, mali umano ang batayan at proseso ng inihaing reklamo laban sa Pangalawang Pangulo.
Si Marcoleta, na kasalukuyang kongresista, ay kabilang sa mga lumahok sa imbestigasyon ng Kamara ukol sa paggamit ng confidential funds ni Duterte — isa sa mga batayang inilakip sa impeachment complaint.
Siya ay isa sa 24 na senador na gaganap bilang hukom sa darating na impeachment trial, matapos siyang pormal na ideklara ng Commission on Elections (Comelec) bilang isa sa mga nanalong senador sa katatapos na 2025 midterm elections.
Upang mapatalsik sa puwesto si Duterte, kinakailangan ng 16 na boto mula sa mga senador-hukom. Samantalang siyam na boto naman ang kailangan upang siya ay mapawalang-sala.
Katotohanan ang Mahalaga — Sen. Bong Go
Nagpahayag din si Senator-elect Christopher Lawrence “Bong” Go ng kahandaang lumahok sa impeachment trial. Ayon sa kanya, mahalaga ang katotohanan at dapat umanong pagbatayan ng korte ang ebidensyang ihaharap ng parehong panig.
“Ang importante dito ay katotohanan. Kung walang ebidensya, wala,” ani Go, na nagtala ng pinakamataas na boto sa Eleksyon 2025 na may 27,121,073 na boto. Kilala rin siyang malapit na kaalyado ng pamilya Duterte.
Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, inaasahang ilalatag ang Articles of Impeachment sa Hunyo 2 kasabay ng pagbubukas muli ng sesyon sa Senado. Kinabukasan naman, inaasahang bubuuin na ang impeachment court.
Matatandaang ipinasa ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Duterte noong Pebrero 5, kung saan higit 200 mambabatas ang pumirma bilang endorsers. Ngunit hindi ito agad tinugunan ng Senado dahil sa pag-adjourn ng sesyon.
Samantala, naghain na ng petisyon sa Korte Suprema si Duterte upang kuwestyunin ang legalidad ng impeachment complaint. May iba ring grupo mula sa Mindanao at mga abogadong humihiling na ipatigil ang paglilitis dahil umano sa depektibong reklamo.
Isang hiwalay na petisyon mula kay Atty. Catalino Generillo Jr. ang naghihikayat naman sa Senado na agad magtipon bilang impeachment court.
Habang papalapit ang itinakdang araw ng paglilitis, inaabangan ng publiko kung magtutuloy-tuloy nga ba ang proseso o tuluyang ibabasura ang kaso laban sa Pangalawang Pangulo. (Latigo Reportorial Team)