TUBIGON, BOHOL — Isang makasaysayang hakbang ang naisakatuparan sa bayan ng Tubigon matapos ang pormal na paglagda ng kasunduan para sa Tubigon Resettlement Project Phase 1 sa pagitan ng pamahalaang lokal ng Tubigon at National Housing Authority (NHA) noong Mayo 21, 2025, sa Session Hall ng Tubigon.
Pinangunahan ni Mayor William Jao ang seremonya ng pagpirma, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa NHA, Presidential Commission for the Urban Poor – Field Operations Division for Visayas (PCUP-FODV) sa pangunguna ni Area Coordinator Ms. Amabelle Canlas, at mga opisyal mula sa Tubigon Isles and Homeowners Association Inc. (TIMHOA).
Dumalo rin sa makabuluhang aktibidad ang 322 miyembro mula sa pitong PCUP-accredited urban poor groups kabilang ang Guiwanon Informal Settlers Association (GISA), Mahayahay Urban Settlers Association (MUSA), Bagongbanwa Island Settlers Association (BAGISA), Bilang-bilangan Island Neighborhood Association (BILINA), Isla Mocaboc Neighborhood Association (IMNA), Batasan Island Housing Association (BIHA), at Isla Pangapasan Settlers Association (IPSA).
Ang nasabing proyekto ay itatayo sa isang 7,842 square meter na lote sa Brgy. Genonocan, sa tulong ni Congressman Edgar Chatto. Mula sa orihinal na P50 milyon, umakyat sa P58.25 milyon ang kabuuang pondong inilaan para sa resettlement project. Tinatayang 80 pamilya ang makikinabang sa pabahay mula sa NHA, na magbabayad ng P900 buwan-buwan para sa site development, alinsunod sa abot-kayang patakaran ng pamahalaan.
Nagpaabot naman ng mensahe si PCUP Chairperson at CEO Hon. Meynardo A. Sabili sa mga benepisyaryo at katuwang na ahensya:
“Lubos ho ang aking pasasalamat sa ating mga katuwang na ahensya sa pagtulong sa ating mga kababayan. Isa po ito sa mga mithiin ng Komisyon, alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos, na iangat ang antas ng pamumuhay ng bawat maralitang tagalungsod.”
Layunin ng proyekto na matiyak ang pagkakaloob ng maayos, ligtas, at makataong tirahan para sa mga pamilyang ililipat, habang isinusulong ang makatarungan at inklusibong urban development sa rehiyon ng Bohol.
Sa panig ng mga tagasuporta ng proyekto, kabilang sa mga dumalo at nagpahayag ng suporta sina Atty. Abel Damalerio mula sa tanggapan ni Congressman Chatto, G. Genesis Ceasar C. Manalili, OIC ng NHA Bohol District, at si Mayor William R. Jao ng Tubigon, Bohol.
Isang konkretong hakbang ang proyektong ito patungo sa tunay na pagbabago para sa mga maralita — isang patunay ng aktibong pagtugon ng pamahalaan sa panawagan para sa disenteng pabahay para sa lahat. Latigo Reportorial Team)