ARNEL IGNACIO, SIBAK BILANG OWWA ADMINISTRATOR!

Kung may isang bagay na mabilis kumalat kaysa balita, ‘yan ay alegasyon.

Lalo na kung may kinalaman sa salapi at posisyon. Alam niyo ‘yan, kapag may isyung milyones—o sa pagkakataong ito, bilyones—agad-agad tayong lahat ay nakatutok. Ganyan ang nangyari sa dating OWWA Administrator na si Arnel Ignacio.

Ngayon, mariin niyang itinanggi ang sinasabing anomalya sa P1.4 bilyong land deal. Sa presscon na ginawa niya matapos siyang tanggalin sa puwesto, litaw na litaw ang pagkadismaya at pagkagulat niya. “Wala po akong kinita rito,” aniya.

Teka, sandali lang—ang sinasabing lupa na ito ay 6,499 square meters malapit sa NAIA Terminal 1. Ayon sa kanya, ito raw ay para sa mga “halfway house” o pansamantalang matutuluyan ng ating mga kababayan mula sa ibang bansa—mga OFW na siyang tunay na bayani ng modernong panahon.

Kung tutuusin, magandang proyekto ito. Sino ba naman ang ayaw sa ganitong tulong para sa mga OFW? Pero ang tanong: dumaan ba talaga ito sa tamang proseso?

Sabi ni Ignacio, dinala raw ito sa board ng OWWA bilang report, binusisi ng technical working group, at sinunod ang lahat ng requirements. Nandiyan pa raw ang Landbank na siyang nag-assess ng presyo ng lupa. “Bakit naman daw nila itatago ang isang transaksyong maayos?” tanong niya.

Pero sa kabilang banda, ayon sa DMW Secretary Hans Cacdac, hindi raw dumaan sa board ang deal. Aba, ‘yan ang twist. Dalawang opisyal, dalawang bersyon ng kuwento.

Eh ngayon, pinalitan na siya ni Undersecretary Patricia Yvonne Caunan. Tahimik pa sa panig ng bagong administrasyon, pero sigurado ako, hindi rito matatapos ang usapin.

Mga kababayan, sa dami ng ganitong isyu sa gobyerno, minsan mapapatanong ka na lang: “Sino ba talaga ang nagsasabi ng totoo?” Pero higit pa riyan, ang mas mahalagang tanong: “Para ba talaga ito sa taong bayan? O may ibang nakikinabang?”

Hindi masamang magduda. Hindi rin masamang magtanong. Responsibilidad natin ‘yan bilang mamamayan. Pero sana, kung talagang may malinaw na paliwanag si Ignacio, bigyan siya ng pagkakataong ilatag ito. Dahil kung totoo ngang malinis ang konsensya niya, deserve din niyang mapakinggan.

Sa bandang huli, hindi tayo ang huhusga. Pero dapat tayo ang magbantay. Kasi pera ng bayan ‘yan. At higit sa lahat, buhay at kapakanan ng ating mga OFW ang nakataya.

Kaya mga kababayan, bantay-sarado tayo. Hindi lang tuwing may isyu—kundi sa bawat hakbang ng gobyerno na may kinalaman sa ating kinabukasan. (MJ Espena)

NSPC 2025: KUWENTO, KATOTOHANAN, AT KABATAAN

PBBM PINANGUNAHAN ANG OATH-TAKING CEREMONY NG (29) NA OPISYAL NG PCG SA CEREMONIAL HALL SA PALASYO NG MALACANANG

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"