Mga hepe damay din!
TARLAC — Patuloy na lumalalim ang kontrobersiya sa probinsya ng Tarlac matapos lumabas ang mga impormasyon na diumano`y ilang mga hepe ng kapulisan sa mga bayan at lungsod nito ay umano’y kasabwat sa operasyon ng mga ilegal na pasugalan sa lalawigan. Sa halip na pigilan, sinasabing kinokonsinti pa umano ng mga ito ang saklaan at pergalan kapalit ng kita at proteksyon.
Partikular na tinukoy ang mga bayan ng Capas, Concepcion, Paniqui, at maging ang Lungsod ng Tarlac bilang mga lugar na umano’y may aktibong operasyon ng ilegal na sugal. Ayon sa impormasyong ibinulgar ng isang nagngangalang Jojo alyas “Phyton,” kasosyo umano sa mga naturang pasugalan ang ilang mga alkalde. Ang masaklap, ginagamit pa umano ang kinikita rito bilang pondong pampulitika para sa nalalapit na halalan.
Per lamesa ang bayaran — umaabot sa ₱5,000 kada araw ang singil sa bawat saklaan, at minsan ay tumataas pa hanggang ₱15,000 depende sa lokasyon. Ayon sa source, hinahati-hati ang koleksyon hindi lang sa mga gambling operator kundi pati sa mga opisyal ng pulisya at ilang media personalities.
Samantala, sa kabila ng lantaran at malawakang operasyon ng mga pasugalan sa lalawigan, kapansin-pansing nananatiling tahimik diumano si Tarlac Provincial Director PCOL Miguel Guzman. Hindi maipaliwanag ng publiko kung bakit tila wala itong ginagawang aksyon sa kabila ng mga malinaw na ebidensya ng maraming operasyon ng mga ilegal na pasugalan sa kanyang nasasakupan.
Hindi maiiwasang magtanong ang taumbayan kung nasaan ang aksyon mula sa tanggapan ni PCOL Guzman? Bakit tila walang ginagawang operasyon ang kapulisan laban sa mga pasugalang ito? Kung ganito kalawak ang saklaw ng operasyon ng ilegal na sugal sa Tarlac, imposibleng hindi ito alam ni PD.
Kung hindi man daw kasabwat, maaaring kapabayaan o pagka-inutil ang ipinakikita ni Guzman sa kanyang tungkulin.
Dahil dito, umuugong ang panawagan na dapat siyang imbestigahan at panagutin kung mapatunayang may kinalaman o nagpapabaya sa kanyang tungkulin bilang hepe ng kapulisan sa Tarlac.
Samantala, nananawagan din ang publiko kay PNP Regional Director PBGen. Jean Fajardo na tingnang mabuti ang isyung ito at tiyaking mapapanagot ang mga nasa likod ng ilegal na pasugalan — mula sa mga operator hanggang sa mga opisyal na umano’y protektor.
Bukas ang pitak na ito para sa pahayag ni PCOL Miguel Guzman, kung meron man.
May kasunod pa ito.(Latigo Reportorial Team)