MANILA — Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na walang balak ang pamahalaan na alisin ang K-12 program sa school year 2025-2026, taliwas sa mga kumakalat na balita sa social media.
Sa isang post sa opisyal na Facebook page ng ahensya, mariing itinanggi ng DepEd ang mga ulat na nagsasabing tatanggalin na ang K to 12 program.
“Fake news ang kumakalat na post sa social media tungkol sa pagtanggal ng K to 12 program sa darating na SY 2025-2026,” ayon sa DepEd.
Dagdag pa ng ahensya, “Pinaaalalahanan ng DepEd ang publiko na mag-ingat at maging mapanuri laban sa misinformation.”
Ang K-12 program ay inilunsad upang palawigin ang basic education sa bansa, sa pamamagitan ng pagdaragdag ng Grades 11 at 12 o tinatawag na Senior High School. Layunin nitong ihanda ang mga mag-aaral para sa mas mataas na edukasyon, trabaho, o pagsisimula ng sariling negosyo matapos ang high school.
Pinaalalahanan ng DepEd ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon mula sa opisyal na mga sources upang maiwasan ang pagkalat ng maling balita.
(Nik Bendaña)
