LIPA CITY, Batangas — Mas pinalakas ang pagkakaisa sa pagitan ng pamahalaan at akademya para sa kapakanan ng maralitang tagalungsod matapos lumagda sa isang kasunduan ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at University of Batangas (UB) noong Mayo 5, 2025 sa UB Lipa Campus.
Pinangunahan ang pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) nina PCUP Chairperson at CEO Hon. Meynard A. Sabili, kasama si Executive Assistant III Atty. Francis Meynard P. Sabili, UB Chairman Jesus V. Mayo, at si Dr. Irene R. De Villa.
Layunin ng kasunduan na palakasin ang implementasyon ng mga programang pangkabuhayan para sa mga benepisyaryong kabilang sa sektor ng urban poor. Sa ilalim ng MOA, magbibigay ang PCUP ng listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo at mga accredited organizations, na siyang magiging batayan ng UB sa pagpapatupad ng kanilang mga tungkulin tulad ng pagbibigay ng paunang oryentasyon at pagtukoy ng mga programang akma sa mga benepisyaryo.
Ayon kay Chairperson Sabili, mahalaga ang papel ng mga institusyong pang-edukasyon sa pagtulong sa gobyerno na maihatid ang mga serbisyo sa mga nangangailangan.
“Ako’y natutuwa dahil sa tulong ng paaralang ito, mas mapapalawak natin ang serbisyo para sa maralitang tagalungsod. Sa panahon ngayon, kailangan natin ng mga katuwang na may malasakit at kakayahang tumulong sa pag-unlad at pag-angat ng kanilang pamumuhay. Ito ay simula pa lamang ng mas marami pang makabuluhang proyekto para sa kabutihan ng ating sektor,” ani ni Chairman Sabili.
Nakasaad din sa kasunduan ang pagtutulungan ng PCUP at UB sa pagbibigay ng konsultasyon at oryentasyon, gayundin sa pagtulong sa mga benepisyaryo sa pagsasaayos ng mga dokumento para sa kanilang aplikasyon sa iba’t ibang livelihood programs ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan.
Ang hakbang na ito ay patunay ng mas pinaigting na kooperasyon sa pagitan ng gobyerno at akademya tungo sa pagkamit ng mas inklusibo at sustenableng kaunlaran para sa mga maralita sa lungsod. (Latigo Reportorial Team)