FERNANDO-CASTRO, SIGAW PA RIN BULAKENYO!

Wagi ng landslide victory sa 2025 midterm elections

CITY OF MALOLOS — Pormal nang ipinroklama ngayong Mayo 13 sina incumbent Governor Daniel R. Fernando at Vice Governor Alexis C. Castro bilang mga nanalong opisyal ng Lalawigan ng Bulacan matapos ang kanilang landslide victory sa katatapos lamang na 2025 midterm elections.
Idinaos ang proklamasyon sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center matapos makumpleto ang canvassing ng boto. Pinangunahan ito ng Provincial Board of Canvassers na kinabibilangan nina Vice Chairman at Chief Provincial Prosecutor Ramoncito Bienvenido T. Ocampo Jr., Chairman at Provincial Election Supervisor Atty. Mona Ann T. Aldana-Campos, at Schools Division Superintendent ng Bulacan, Norma P. Esteban.
Nakakuha si Governor Fernando ng kabuuang 1,117,893 boto mula sa 20 bayan at apat na component cities ng lalawigan, habang si Vice Governor Castro ay mas mataas ang naging mandato na may kabuuang 1,360,020 boto.
Ito na ang ikatlo at huling termino ni Governor Fernando, na muling nagpasalamat sa tiwalang ibinigay sa kanya ng mamamayang Bulakenyo.
“Sa mga Bulakenyo, maraming maraming salamat po. Una ang Diyos, pangalawa ang mga tao. Salamat at naniwala kayo sa amin. Gusto naming dalawa na manalo ng nakataas ang ulo at hindi nakayuko – dahil ang tagumpay na ito ay hindi lamang sa amin, kundi sa buong lalawigan ng Bulacan. Patunay ito ng pagkakaisa natin sa iisang layunin na itaguyod ang isang maunlad, ligtas, at makataong pamahalaan,” ani Fernando.
Samantala, muling nanungkulan si Vice Governor Castro para sa kanyang ikalawang termino at muling tiniyak ang kanyang paninindigan sa tapat at makataong paglilingkod.
“Alam naming hindi kami perpektong mga lingkod bayan.
May mga pagkukulang din kami pero handa kaming makinig kung ano pa ang puwedeng i-improve. Motivated kami na mas paunlarin ang Lalawigan ng Bulacan, matulungan ang mamamayang Bulakenyo sa kanilang mga hanapbuhay, sa edukasyon, kalusugan, at ‘yung patuloy na laban natin sa maayos na serbisyo sa tubig ay ipagpapatuloy namin ng ating mahal na gobernador,,” ani Castro.Sa mga nakaraang taon, nagtulungan sina Fernando at Castro sa pagpapatupad ng mga reporma at programang pangkalusugan, pang-edukasyon, imprastraktura, kaligtasan sa sakuna, at mabuting pamahalaan — mga adhikain na muling pinagtibay ng tiwala ng mga mamamayan.
Dinaluhan din ang proklamasyon ng mga kaanak ng dalawang opisyal, mga lokal na lider, hepe ng mga departamento, tagasuporta, at kinatawan mula sa Commission on Elections. (Latigo Reportorial Team)

Spread the love

Responsableng pagmamaneho

MARCOLETA, TAGUMPAY PARA SENADOR NGAYONG NLE2025