Mandaluyong City — Personal na bumisita ngayong Abril 22, 2025 si Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairman at CEO Meynardo A. Sabili sa Barangay Addition Hills upang pangunahan ang oryentasyon ukol sa PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) Program.
Ang Konsulta Program, na bahagi ng Universal Health Care Law, ay naglalayong magbigay ng libreng konsultasyon, health risk screening, piling laboratory tests, at mga gamot sa lahat ng Pilipino. Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Chairman Sabili ang kahalagahan ng programang ito, lalo na sa mga maralitang tagalungsod, at ipinaliwanag niya ang proseso ng pagpaparehistro at benepisyo para sa mga miyembro.
Kasabay ng oryentasyon, isinagawa rin ang Capability Building Program na nakatuon sa Financial Literacy, kung saan si Ms. Mariel Garcia ang nagsilbing tagapagsalita. Nagbahagi siya ng mahahalagang kaalaman sa tamang pamamahala ng pananalapi upang matulungan ang mga kalahok sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan.
Pinangunahan ni Area Coordinator Lucito Mallari ang aktibidad na dinaluhan ng higit 100 lider at miyembro mula sa Solid Federation at KSMWP. Ipinakita ng kanilang aktibong partisipasyon ang matibay na dedikasyon sa pagpapaunlad ng kanilang mga komunidad.
Patuloy na isinusulong ng FOD-NCR ang mga programang naglalayong paunlarin ang kalagayan ng mga urban poor communities, katuwang ang mga lider at miyembro na hindi nagdadalawang-isip na makiisa sa mga inisyatibang ito. (Latigo Reportorial Team)
