QUEZON CITY – Sa harap ng umiinit na kampanya para sa darating na halalan, mariing binigyang-diin ni senatorial aspirant Rodante Marcoleta ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan upang maisulong ang kaunlaran ng bansa.
“Walang imposible kung tayo ay magkakaisa,” ani Marcoleta sa isang pagtitipon ng mga tagasuporta.
“Magtulungan po tayo para sa ika-uunlad ng ating bansa. Gagampanan ko rin ang aking tungkulin bilang Senador ng Republika ng Pilipinas,” dagdag pa niya, na umani ng palakpakan mula sa mga dumalo.
Ipinahayag din ni Marcoleta ang kanyang paninindigan na ang dapat ihalal ng taumbayan ay yaong may sapat na kakayahan at karanasan sa paggawa ng batas.
“Ang dapat pong iboto ay yung marunong gumawa ng batas. Tulungan ninyo ako para matulungan ko kayo,” wika niya, sabay hamon sa mga botante na maging mapanuri at responsable sa pagpili ng kanilang mga lider.
Binigyang-diin pa niya na ang tunay na layunin ng paggawa ng batas ay ang kapakanan ng bawat Pilipino, anuman ang kanilang pinagmulan o paniniwala.
“Ang mga batas ay ginawa para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino. Anuman ang paniniwala mo, ano man ang iyong pinagmulan, lahat ng Pilipino ay dapat paglingkuran,” matapang niyang pahayag.
Si Rodante Marcoleta, kilala sa kanyang matapang na paninindigan sa Kongreso, ay umaasa na sa tulong at tiwala ng sambayanan, maipagpapatuloy niya ang kanyang adbokasiya ng makatarungan at makabayang paglilingkod sa Senado. (Latigo Reportorial Team)
