OPISYAL NA BALOTA PARA SA LOCAL ABSENTEE VOTING, IPINAMAHAGI NA NG COMELEC

MANILA — Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pamamahagi ng mga opisyal na balota para sa Local Absentee Voting (LAV) sa mga ahensya ng pamahalaan at tanggapan na humiling na makalahok sa botohan para sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, nagsimula ang distribusyon ng mga balota nitong Miyerkules, Abril 17. Kasama sa mga maghahatid ng balota ang pagbibigay ng orientation ukol sa tamang proseso ng pagboto.
“Ang mga maghahatid ng balota ay magbibigay ng briefer sa mga pinuno ng mga ahensya kung paano isasagawa ang pagboto, at kung paano rin dapat bumoto ang mga botante,” ani Garcia sa isang mensahe sa Viber.
Dagdag pa niya, ituturo rin kung paano isusumite ang mga natapos na balota pabalik sa komite na magsasagawa ng pagbibilang ng boto sa Mayo 12.
Isasagawa ang LAV mula Abril 28 ­hanggang Abril 30, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Ipinapamahagi ang mga opisyal na balota sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, sa mga punong himpilan ng Armed ­Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), pati na rin sa mga lokal na opisina ng Comelec.
Aabot sa 57,689 ang kabuuang ­bilang ng mga botanteng aprubado para sa LAV: 29,030 mula sa AFP, 23,448 mula sa PNP, 4,206 kawani ng pamahalaan, at 1,005 miyembro ng media.
Para sa mga miyembro ng media sa ­National Capital Region (NCR), isasagawa ang botohan sa Office of the Regional Election Director (ORED) ng NCR. Samantalang ang mga nasa highly-urbanized cities sa labas ng NCR ay boboto sa ­Office of the Provincial Election ­Supervisor. Sa iba pang mga lugar, gaganapin ang LAV sa kani-kanilang Office of the Election Officer.
Pipili ang mga botante ng 12 senador at isang party-list organization gamit ang automated counting machines. (Grace Batuigas)

Spread the love

RAMPANT ILLEGAL GAMBLING SA LAGUNA, TULOY-TULOY PA RIN ANG OPERASYON!

BIGAS NA P29, MAS PINALAWAK SA KADIWA