PAGPAPASARA SA MGA PERYAHAN SA PANGASINAN, HILING NG MGA RESIDENTE!

Gov. Guico III, PBGEN Lou Evangelista,at PCOL Rollyfer Capoquian, pinakikilos ng mga Pangasinense!

PANGASINAN – Hindi na kasiyahan kundi sugalan ang tunay na mukha ng mga peryahang nagsusulputan sa mga bayan at barangay ng lalawigan. Ito ang mariing hinaing ng mga mamamayang Pangasinense na humihiling ng agarang pagtugon mula sa pamahalaang panlalawigan.
Ginagamit umano ang mga karnabal bilang panakip sa mga operasyon ng iligal na sugal tulad ng drop ball, color game, at iba pang larong hinihinalang may dayaan. Bukod sa pagkakagumon ng mga mamamayan, nagdudulot din ito ng kaguluhan at karahasan sa mga lugar na pinagdarausan ng mga perya.
Direkta na ang panawagan ng mga residente kay Governor Ramon “Guwapo” Guico III na ipatigil ang mga ganitong aktibidad, kasabay ng pagbatikos sa pananahimik umano ng ilang opisyal ng kapitolyo at ng mga lokal na pulisya.
Isa sa mga sentrong pangalan sa isyu ay si Tinyente Pidlawan, dating opisyal ng pulisya na sinasabing nangunguna sa koleksyon ng payola mula sa mga operator ng iligal na sugal sa lalawigan. Ayon sa mga source, kabilang sa mga operator na nagbibigay ng lagay ay sina Flores, Ibasan, Magat, Oldak, Tuyuy, Kap Boyet, Alvin, Jude, at Mel. May mga sibilyan din umanong konektado sa grupo, kabilang ang mga may alyas na “Abalos” at “Vera,” na diumano’y malayang nakakapasok sa himpilan ng PNP Pangasinan.
Ayon pa sa ating source, lantaran na rin umano ang online betting, jueteng, at iba pang uri ng sugal na pinapayagan sa ilalim ng proteksyon ng mataas na opisyal. Isa sa pinupuna ng publiko ay si PCOL Rollyfer Capoquian, ang Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office, na hanggang ngayon ay hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ukol sa mga reklamo. May ilang hepe ng pulisya rin ang nagsasabing nakatali ang kanilang mga kamay dahil sa umano’y direktiba mula sa “taas” na huwag pakialaman ang mga sugalan.
Hindi rin ligtas sa batikos si Regional Director General Lou Evangelista, na kinokondena ng mga residente at ng Simbahang Katoliko sa umano’y pagwawalang-bahala sa lumalalang problema ng iligal na sugal. Sa gitna ng katahimikan ng pamahalaan, ibinunyag pa ni Tinyente Pidlawan diumano na may go signal daw mula sa Camp Crame at sa DILG para sa tuloy-tuloy na operasyon ng mga sugalan—lalo na ngayong papalapit ang eleksyon.
Sa kabila ng mga akusasyon, wala pa ring tugon ang tanggapan ni Governor Guico, PBGEN Lou Evangelista at PCOL Rollyfer Capoqian. Habang tuloy-tuloy ang operasyon ng mga peryahang may sugal, patuloy ring nababaon sa pagkakautang at pagkalugmok ang maraming pamilya sa Pangasinan.
Ang tanong ng sambayanan: Hanggang kailan pahihintulutan ng mga nasa kapangyarihan ang sistemang ito? At sino ang tunay na may kontrol sa mga sugalang bumabalot sa buong lalawigan?
May kasunod pang ulat. Abangan. (Latigo Reportorial Team)

Spread the love

BPJ OFFICIALS, IPINASUSUSPINDE NI GOV. DANIEL FERNANDO

MGA ILIGAL NA SUGALAN SA BATANGAS, MAS LUMALALA!